KUNG may natutuwa man ay marami ang nababahala sa balita na balak ibalik ni President Duterte sa Philippine National Police (PNP) ang pangangasiwa sa kanyang kampanya laban sa droga.
Nangangamba sila dahil mula nang masimulan ang giyera ng Pangulo sa ilegal na droga nitong nakalipas na taon ay naging kontrobersiyal ito sa dami ng mga nasawing suspek.
May mga nagsasabi na kahit sumusuko na ang suspek ay binabaril pa rin ng mga pulis. Ang iba raw sa mga hinuhuli nila ay hindi naman gumagamit o nagbebenta ng droga kundi napagkamalan lamang.
Ayaw man natin maniwala na magagawa ito ng mga alagad ng batas ay pumutok naman ang balita ng mga kabataang nasawi umano sa kamay ng mga pulis sa walang kapararakang dahilan.
Kabilang na rito ang 17-anyos na si Kian delos Santos na nakuhaan ng CCTV na kinakaladkad ng mga pulis sa lugar kung saan siya napaslang.
Kahit nakaluhod si Kian sa lupa ay binaril pa rin umano ng mga miyembro ng Caloocan City Police na nanindigan na pusher ang bata na nanlaban sa kanila. Sinibak na ang dalawang pulis na bumaril kay Delos Santos at pati ang kanilang hepe ay tinanggal sa puwesto.
Nang bumaba ang trust rating ng Pangulo sa gitna ng sunod-sunod na nasasawi sa madudugong anti-drug police operations ay ipinasa niya ang pamumuno ng digmaan sa droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mahigit isang buwan na ang nakalilipas.
Ang PNP at pati ang National Bureau of Investigation (NBI) ay pinagbawalan na sumawsaw sa laban sa droga.
Sa loob ng panahong ito ay bahagyang kumalma ang sitwasyon dahil natigil ang mga pamamaslang na ayon noon sa walang kamatayang katuwiran ng mga pulis ay bunga umano ng paglaban ng mga suspek.
Kahit kulang sa tao ay naging matagumpay ang PDEA sa panghuhuli ng malalaking isda kabilang ang mag-inang Yu Yuk Lai at Diane Yu Uy at pagkompiska ng sandamakmak na droga. Pero mukhang hindi pa rin kontento si Duterte at nakukulangan siya sa performance ng PDEA.
Naniniwala ang Firing Line na makabubuti kung ang budget ng PNP sa drug war ay ipapasa sa PDEA para makakuha ang ahensiya ng karagdagang mga tao at makakilos nang lalong maluwag.
Bakit pa tayo nagkaroon ng PDEA kung hindi sila ang pakikilusin para pamunuan ang drug war? Puwedeng magsilbing suporta ang PNP sa bawat operasyon pero huwag na sanang maulit ang walang patumanggang pagtumba ng drug users at pushers na nadadamay pati ang mga inosenteng sibilyan.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.