‘YAN na nga ba ang sinasabi natin.
Mukhang nagpakilala lang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaya ‘nilusob’ ang Plaza Lawton o ang Liwasang Bonifacio para palayasin kuno ang mga UV Express, mga provincial bus at kolorum na van sa illegal terminal sa nasabing lugar.
Pero wala pang dalawang linggo, hayun, nagbalikan din ang nasabing mga sasakyan.
Kumbaga tuloy ang ligaya ng mga nagmamantina ng nasabing illegal terminal.
At sa pagkakataong ito, may nakabantay pang mobile patrol car ng Manila Police District – PS5.
Kaya pala nang maghamon ang inyong lingkod ng pustahan ay walang kumasa, kasi alam nilang matatalo sila.
Kaya kung muli kayong mapaparaan sa Lawton o sa Liwasang Bonifacio, huwag po kayong magulat kung wala na naman kayong madaanan sa dami ng sasakyan at makaamoy kayo ng umaalingasaw na kapanghian.
Unti-unti na ring nagbabalikan ang mga illegal vendor at mga ‘constituent’ na natutulog sa ilalim ng P. Burgos Drive interchange, sa paligid ng monumento ni Gat Andres Bonifacio, sa likod ng Philpost building at sa pali-paligid ng buong liwasan.
Yes, parang bahay kubo lang ang peg.
Higit sa lahat, huwag po kayong magtaka kung sila ay constituents ng Barangay 659-A.
Sila ang ‘constituents’ ng Barangay 659-A na ‘now you see, now you don’t.’
Ewan natin kung iimbestigahan pa ‘yan ni MMDA chair Danny Lim.
Hindi ba’t sinabi noon ni MMDA chairman na sasampahan ng kaso ang mga barangay official na sangkot sa operasyon ng mga illegal terminal?
Mayroon na bang nasampahan ng kaso?!
Pakibalitaan po ninyo kami, Chairman Danny Lim!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap