PUWEDENG papanagutin sa batas ang Federation of Goat and Sheep Producers and Association of the Philippines (FGASPAPI).
Ito’y dahil patuloy ang kanilang operasyon kahit paso na ang rehistrasyon ng kanilang kompanya sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Nabatid na patuloy na nagsasagawa ng seminar ang FGASPAPI sa kabila ng pasong SEC registration.
Ito umano ay malinaw na paglabag sa batas.
Batay sa record ng SEC, lumalabas na ang FGASPAPI, may SEC No. CN 200507986 ay matagal nang binawian ng company registration, mula noong Enero 2013.
Bunsod ng kabiguan ng kompanya na magsumite ng kanilang general information sheets (GIS) at financial statement (FS) para sa taong 2006 hanggang 2010, ang isa dahilan kung bakit binawi ang kanilang registration.
Ang kautusan ng SEC ay ipinalabas noong 12 Disyembre 2012.
Nabatid, noong 30 Setyembre hanggang 1 Oktubre 2016 ay nagsagawa ang FGASPAPI ng seminar na “Goat Raising and Production” para sa business owners sa La Majarica Hotel, Tarlac City.
Gayondin nitong 22-24 Nobyembre 2017, isinagawa ang National Goat and Sheep Congress sa Benguet State University La Trinidad, Benguet na may registration fee na P5,000.
Ilang dumalo sa seminar ang nagrereklamo sapagkat sila ay siningil ng P5,000 pero hindi binigyan ng resibo.
Bukod dito, pinadalo rin sa nasabing event ang matataas na opisyal kahit ‘hao-siao’ o hindi lehitimo ang kompanya at ilegal ang seminar.
Ang patuloy na operasyon ng FGASPAPI kahit walang registration mula sa SEC ay paglabag sa batas kung kaya’t posibleng mahaharap sa kaso.
Sa isang panayam, inamin ng pamunuan ng FGASPAPI, paso na ang rehistrasyon ng kanilang kompanya sa SEC.
Ipinaliwanag ni Jo Clemente, legal consultant ng kompanya, na naging abala sila sa ibang aktibidad na kanilang binigyang prayoridad.
Sa report ng Company Registration and Monitoring Department ng SEC, binawi na ang registration noong 18 Enero 2013 salig sa SEC Order na may petsang 12 Disyembre 2012 dahil sa kabiguang magsumite ng mga kaukulang impormasyon at financial statements mula noong 2006 hanggang 2010.
Gayonman, iginiit ni Clemente na ipinoproseso na nila sa ngayon ang muling pagpapatala ng kanilang korporasyon sa SEC.
Ang nasabing korporasyon ay nagpaparami at sinasabing lehitimong breeder ng mga kambing at tupa sa bansa.