SA pinakahuling mga pangyayari hinggil sa pagkakasibak kay ex-Gen. Dionisio Santiago sa Dangerous Drug Board (DDB), lumalabas na fictitious ang lumagda sa liham na sinasabing ‘reklamo’ ng mga empleyado ng nasabing ahensiya laban sa kanya.
Ang tanong ngayon, kung ‘fictitious’ ang nakapirmang pangalan, peke rin kaya ang mga reklamo?!
Tampok sa mga reklamo ang pagbiyahe sa Europa ni Tagoy kasama ang pamilya at kasunod na biyahe ay sinasabing ‘girlfriend’ niya, gamit ang pondo ng ahensiya.
At ang pinakamatinding reklamo, binigyan daw ng mansiyon si Tagoy ng mga Parojinog, ang ‘drug lord’ ng Ozamiz City sa Misamis Occidental.
Mabibigat na akusasyon at nakasusugat ng dignidad at integridad ng isang kagaya ni Gen. Santiago na ilang dekadang nanungkulan sa gobyerno at wala ni isang kasaysayan ng katiwalian pero kung kailan pa siya nagretiro ay saka nagkaroon ng ganitong isyu.
Ang masakit nito, sinibak lang siya at hindi sinampahan ng kaso, kaya wala siyang pagkakataon na maipagtanggol ang kanyang sarili.
Sabi nga, para sa isang government official, mas mabuting sampahan ng kaso kaysa maitsismis na may ginagawang labag sa itinatakdang kaasalan ng isang opisyal.
Paano ibabangon ni ex-Gen. Santiago ang kanyang pangalan kung basta lang siya sinibak at hindi sinampahan ng kaso?!
Pero mas malakas ang umuugong na tanong ngayon: “Sino ang trumabaho kay Santiago?”
Mayroon nga ba?!
Aabangan natin ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap