MAWAWALA ang P236 milyong potensiyal na kita kapag sinunod ng Department of Transportation (DOTr) ang panawagan para sa pansamantalang pagpapatigil ng operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3).
“Our average monthly income is P236 million,” pahayag ni Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez.
“‘Yan ang mawawala per month at ‘yan din ang madadagdag sa hihingin nating subsidy sa government para pambayad ng equity rental payment sa MRTC,” dagdag ni Chavez.
Nagbabayad ang gobyerno sa Metro Rail Transit Corporation (MRTC) ng average na P2.7 bilyon kada taon para sa equity rental payments sa ilalim ng Build-Lease-Transfer (BLT) agreement na nilagdaan noong 1997.
Sa ilalim ng 25-year BLT agreement, ang gobyerno ang babalikat sa daily operations ng MRT3 habang ang MRTC ang mangangasiwa sa konstruksiyon.
Ang gobyerno ay nagbabayad sa private consortium para sa “return of investment” sa porma ng equity rental payments.
Sa taong ito, ang gobyerno ay naglaan ng P4.8 billion sa subsidy para sa maintenance and operations ng MRT3.
Makaraan kumalas ang isang bagon habang tumatakbo ang tren sa pagitan ng Buendia at Ayala stations nitong nakaraang linggo, iminungkahi ni Senator Grace Poe ang pansamantalang pagpapasara sa operasyon ng MRT3 upang matiyak ang kaligtasan ng 500,000 daily ridership nito.