Friday , December 27 2024

Kapalpakan ng MRT 3 ayusin at tapusin na!

ISA sa vital needs ng isang bansang naghahangad umunlad ang transportasyon.

Pansinin na ang lahat ng mauunlad na bansa ay may moderno, abanse at maayos na mass transportation system.

Ang rickshaw o tuktuk na hinihila ng tao sa mainland China at Hong Kong ay napalitan na ngayon ng mga express train.

Ang bansang Japan ang unang nagkaroon ng bullet train. Kaya huwag na tayong magtaka kung bakit nakaugat ang kasaysayan ng pag-unlad ng Amerika at Europa sa kanilang mga perokaril.

Ano po ang gusto nating puntohin?

Simple lang po.

Ang bansang gustong umunlad, dapat mag-isip at pagtuunan ng pansin ang mass transportation system.

Bakit ang mass transportation?

Kasi po, kung aalwan at magiging komportable ang buhay ng bawat maliliit na Filipino na siyang nasa ilalim at nagpapasan ng ating ekonomiya, tiyak na uunlad ang ating bansa.

Huwag natin isipin na maliliit na tao ang 75 porsiyento ng popula­syon sa bansa. Maaaring maliliit nga sila pero malaking salik sila sa pag-unlad ng ating ekonomiya kung malaking bilang ng labor force ang mabibigyan ng regular na pagkakakitaan.

At ano ang kaugnayan dito ng episyenteng mass transposration?

Siyempre, kung mabilis ang galaw nang lahat, walang masasayang na oras at bibilis din ang ikot ng komersiyo.

Sa mass transportation system na lang, ilang trabaho ang lilikhain niyan?

Kaya hindi matatakot ang mga jeepney driver sakali mang matuloy ang phase-out ng kanilang mga sasakyan.

Totoong may nakaugat na kultura at kasaysayan sa ating jeepney. Pero huwag natin kalimutan na hindi nakatigil sa jeepney ang pag-unlad ng transportasyon.

Simple arithmetic: Ang makina ng jeepney at mini-bus ay pareho lamang. Pero ilan ang naisasakay ng isang mini-bus kompara sa jeepney sa isang biyahe?! Mas marami ‘di ba?

E ilang pasahero sa bawat biyahe ng mini-bus ang kayang ihatid ng train system sa isang biyahe lang?!

Hindi ba’t klaro na malaking kaalwanan kapag malaki ang volume ng mga pasahero na kayang ibiyahe ng isang transport system sa mas mabilis na oras?!

Ang kuwestiyon: paano kung bulok ang mass transportation system gaya ng MRT 3?! Hindi ba’t klaro na hinoldap ng mga mandarambong ang sambayanang Filipino?!

Mantakin ninyo, bilyon-bilyong pondo mula sa taxpayers money ang ginamit diyan sa MRT 3 pero ilang buhay na ba ang nanganib diyan?!

Alam na ba nina dating Sec. Abaya at Mar Roxas ‘yan?!

Samantala ‘yung LRT, noon pang 1984 na panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos pero hanggang ngayon maayos pa rin.

E bakit ‘yung MRT 3, kailan lang ‘yan. Panahon lang ng dating presidente na si GMA pero sumama ang kalagayan noong panahon ni Noynoy kaya nagakaletse-letse lalo ang buhay ng mga Filipino na umaasa sa nasabing transport system.

Kahapon, 21 Nobyembre 2017, naghain na umano sa Ombudsman ng kasong Plunder ang Department of Transportation (DOTr) laban kina dating DoTC Secretary Joseph Emilio Aguinaldo Abaya; dating Usec Edwin Lopez; former Usec. Rene Limcaoco; dating Usec. Catherine Gonzales; rormer MRT-3 GM Roman Buenafe; former BAC officials; BURI officials; dating DILG Secretary Mar Roxas; former DBM Secretary Florencio Abad; former DOF Secretary Cesar Purisima; former DOE Secretary Jericho Petilla at former DOST Mario Montejo; dating DND Secretary Voltaire Gazmin; dating DPWH Secretary Rogelio Singson; dating NEDA Secretary Arsenio Balicasan; at Marlo Dela Cruz.

Ang pagsasampa ng asunto ay isang aspekto lamang ng pagresolba sa namamayaning usapin sa MRT 3.

Ang kaluluwa nito, ‘e ‘yung sinasabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na i-overhaul ang MRT 3. At ‘yun ang dapat resolbahin.

Ano ang gagamiting alternatibong transportasyon habang ino-overhaul ang MRT 3?

‘Yan ang dapat busisiin ni Secretary Art Tugade at dapat pag-isipan ng solusyon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Danny Lim.

Solusyonan na ninyo ‘yan Sec. Tugade & MMDA chair Danny Lim. Paduguin na ninyo ang mga utak ninyo at huwag na ninyong pasakitin pa ang ulo ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte dahil trabaho n’yo ‘yan!

Sa totoo lang, hindi naman sa MRT nagagalit ‘yung mga napeprehuwisyong mamamayan kundi kay Pangulong Digong.

Aabangan namin kung anong kahenyohan ang ilalabas ninyong dalawa para matapos na ang problemang ‘yan.

Trabaho na!

ROQUE, MOCHA USON
‘SINUNOG’ NI ALVAREZ
SA SENATORIAL SLATE?!

mocha uson harry roque alvarez PDP LABAN

ANG BILIS!

Katatalaga lang kay Secretary Harry Roque, hayun at pinaputok na tatakbo raw na Senador sa 2019 kasama si Assistant Secretary Mocha Uson sa PDP Laban senatorial slate.

Agad itong sinansala ni Secretary Roque at sinabing wala siyang milyon-milyong pondo para tumakbong Senador.

Aba, Secretary Roque, malaking factor kapag ruling party candidate ka. Pinakamahina ang tig-P10 hanggang P20 milyones na puwede mong makuhang donasyon mula sa supporter ng partido.

Nasubukan mo na rin namang mangampanya nitong nakaraang eleksiyon bilang party-list representative, at nanalo kayo kaya masasa­bing alam mo na ang kalakaran sa eleksiyon.

Sa bahagi ni Asec. Mocha, masasabi nating malaking adbentaha sa kanya ang pagkakaroon ng mahigit five million followers sa social media.

Sana’y maging matalino siya kung paano ito iko-convert sa siguradong boto.

Hindi ba’t pitong milyon pataas na boto lang ‘e pasok na sa top 8?!

Hindi malayong maabot ni Mocha ang bo­tong ito o higit pa.

At huwag rin naman i-underestimate si Ma­dam Mocha. Pre-med graduate siya ‘di ba?!

E kung si Lito Lapid at Manny Pacquiao nga, tinanggap ng sambayanan kahit hindi nakatapos ng pag-aaral, si Mocha pa kaya na puwedeng mag-enrol sa college of medicine kapag ginusto niya?

Ahooy! Don’t judge the book by its cover!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *