ITINAAS sa P300,000 mula sa P100,000 ni Pasig Mayor Bobby Eusebio ang pabuya sa makapagtuturo sa natitira pang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang 22-anyos bank teller sa sa Pasig City.
Magugunitang sinabi ng pulisya, isang saksi ang huling nakakitang buhay sa biktimang si Mabel Cama habang kumakatok sa gate ng kanyang residential compound sa Ortigas Avenue Extension nitong 10 Nobyembre 2017 na inaaligiran ng ilang lalaki nang gabing iyon.
Nitong 12 Nobyembre 2017, natagpuan ang halos hubad na bangkay ni Cama sa isang abandonadong office building, 40 metro ang layo mula sa kanyang bahay.
Ilang oras bago nito, may nagtangkang sumunog sa gusali, ngunit naapula ito ng mga residente. Lapnos ang ibabang bahagi ng katawan ni Cama nang matagpuan.
Arestado nitong Linggo ang isa sa mga suspek, ngunit pinaghahanap ang mga kasabwat niya kaya itinaas ang pabuya, sabi ni Pasig police chief, Senior Supt. Orlando Yebra.
“Iyong reward mo-ney, ngayong umaga po ay dinagdagan ng mayor sa Pasig City ng P200,000… aa ngayon po, mayroon na tayong P300,000 reward,” ani Yebra.
Dinampot aniya ang unang suspek na si Randy Oavenada, 40-anyos truck driver, dahil ilang oras bago matagpuan ang katawan ng biktima ay nakita siya sa lugar.
Kinalaunan, nagtugma aniya ang fingerprints ni Oavenada sa mga sample sa bangkay ng biktima at kaniyang cellphone na narekober sa crime scene. Nagpositibo rin ang suspek sa paggamit ng droga.
“Siya pong primary suspect natin at si Mabel, nakatira lang po sa isang malaking compound. Halos nakikita niya araw-araw at siguro po, dala na rin ng epekto ng ilegal na droga, umandar ang kaniyang pagka-demonyo,” ani Yebra
Pinaniniwalaan aniyang may kasabwat ang suspek dahil mahigit sa isang set ng fingerprints ang nakita sa cellphone ni Cama.
Sinampahan ang nasabing suspek ng kasong rape with homicide.