Monday , December 23 2024

Mga preso sa city jail tinangayan ng P1.4-M

WALANGHIYA nga naman! Anak ng pu…sa talaga, akalain ninyong maging ang inmates ay pinagnakawan.

Ha?!

Sinong mga nagnakaw at paano naman sila pagnanakawan samantalang nakakulong sila?

Paano naman sila napasok ng mga ‘akyat-bahay’ samantala guwardiyado ga ang kanilang ‘mansiyon?’

Iyon na nga ang nakatatawa e, guwardiyado na nga ang kanilang ‘mansiyon’ napasok o nalusutan pa sila ng mga demonyong magnanakaw.

Napakawalanghiya talaga ng mga pumasok sa city jail. Anong city jail iyan at saan?

Sa ngayon, sadyang itago muna natin ang pangalan ng city jail at ang mga magnanakaw na dalawang personnel ng Bureau of Jail Management and Penelogy (BJMP) national office na nakabase sa Quezon City habang ang city jail naman ay sa Metro Manila.

Pagbibigyan muna natin ang dalawang damuhong taga-BJMP national office. Bakit? Mamaya malalaman ninyo mga suki.

Anyway, ganito ang nangyari ayon sa A1 information natin.

Kamakailan, nagsagawa ng greyhound ope­ration ang BJMP sa isang city jail sa Metro Manila. Ilan sa sumalakay ay mula sa BJMP national office.

Naging maganda ang resulta ng greyhound… may mga nakompiskang maliliit na bagay pampersonal gaya ng toothbrush at iba pa, na puwedeng gawing armas pero masasabing walang kung ano-anong sensitibong bagay na narekober sa mga selda ng iba’t ibang pangkat sa loob ng city jail.

Maging mga droga o kahit man lang parapernalya na senyales na may droga sa city jail ay walang nakuha. Meaning, malinis ang city jail.

Lahat ng nakompiska sa mga selda ay idine­klara  maliban sa isang napakaimpormanteng pinaghirapang pag-ipunan ng mga bilanggo. Ano iyon?

Ang cash ng mga preso (mula sa iba’t ibang pangkat) na nagmula sa kanilang ipon? Ba’t sila may pera? Iyan ay galing sa kanilang mga mahal sa buhay na dumadalaw sa kanila.

Sa tuwing may dalaw sila… mayroon talagang mga nagbibigay ng konting cash. Ang ginawa naman ng mga bilanggo ay inipon nila ito — pangkat per pangkat. Para bang “paluwagan.” Ang ang maiipon ay kanilang gagamitin sa Christmas party (per pangkat) at ibibili ng groceries etc. Groceries na pang-noche buena na iuuwi ng kani-kanilang pamilya.

Pero ano ang nangyari? Hayun, tinangay ito nang magsagawa ng greyhound operation ng i­lang taga-BJMP national office.

Gusto ba ninyong malaman kung magkano ang suma total ng ipon ng mga bilanggo mula sa iba’t ibang pangkat, Batang City Jail, Sigue-Sigue Sputik gang, Commando at iba pa?

Uli, hindi idineklara ito nang makompiska … meaning, pinag-interesan na dahil kung hindi ay dapat idineklara at iprenisinta sa mga mamamahayag na nagkober sa greyhound noong araw na iyon. Pero hindi e. So, anong ibig sabihin?

Ba’t nga ba hindi idineklara? Paano po kasi, umaabot itong barya (ipon) na tig-P100, P50at P20 ng halagang P1.4 million. Hayun! Kaya naman pala pinag-interesan.

Uli, ipon ito ng mga preso at galing sa malinis na paraan. Oo, dahil kung sasabihin galing sa droga o iba pang ilegal na gawain, malamang agad na idineklara ang P1.4 million. Pero ano ang nangyari, dahil nga sa malinis ang pinagmulan ng P1.4 million, itinago ito ng ilang taga-BJMP national office na naroon sa greyhound operation.

Kaya, kapag hindi maibalik ang nasabing ha­laga, malamang na magiging malungkot ang Pasko ng mga preso sa isa sa city jail natin sa Metro Manila.

Ngayon, ba’t pansamantala nating hindi pinangalanan kung sino ang BJMP national office personnel na tumangay sa P1.4 million ng mga kawawang bilanggo?

Okey, ayon kasi sa source ay nangakong ibabalik ng mga sangkot.

Kaya, habang hindi ko pa pinapangalanan ang mga damuho, ibalik na ninyo iyang ninakaw ninyo kung hindi…

Malalaman ko rin iyan kung buo ninyong ibinalik o hindi. Hindi rin puwedeng instalment ang pagbabalik ha!

Ngayon, alam na ninyo kung bakit napasok ang mansiyon ng mga preso sa kabila na guwardiyado naman ito.

BJMP Director Deogracias C. Tapayan, nais ko sana i-text sa iyo ito sa “Text mo kay Taps,” pero hindi magkasya kaya… heto, paki-aksiyonan po ito.

Nakahihiya ang nangyari!

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *