SINAMPAHAN ng mga militanteng grupo si dating Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya at mga opisyal ng Busan Universal Rail Inc. (BURI) sa Office of the Ombudsman bunsod nang umano’y pagpasok sa maanomalyang maintenance contract para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT3).
Inihain ng grupong Agham, Bayan Muna, Train Riders Network, at Bagong Alyansang Makabayan ang mga kasong graft and corruption at paglabag sa government procurement law laban sa mga respondent, partikular sa Sections 3(e) at 3(g) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Section 10 ng Government Procurement Reform Act.
Sina dating MRT general manager Roman Buenafe at dating DoTC Undersecretary Rene Limcaoco ay kabilang din sa sinampahan ng kaso.
Nagtungo sina Bayan secretary general Renato Reyes, former Bayan Muna representative Neri Colmenares, TREN members Angelo Suarez, Donna Miranda at James Relativo, at Agham secretary general Feny Cosico, sa Office of the Ombudsma upang ihain ang reklamo.
Sinabi ni Reyes, ginamit ni Abaya at ng mga opisyal ng BURI ang maintenance contract upang gawing “milking cow” ang MRT3 habang milyon-milyong pasahero ang pinuprehuwisyo sa halos araw-araw na nagaganap na mga aberya sa mass rail system.
Ayon sa reklamo, ang mga respondent ay lumagda sa kontrata sa BURI bagama’t ang kompanya ay hindi kuwalipi-kadong humawak ng tungkulin sa pagmamantina ng mass rail transit system.