KUNG inaakala ng grupong makakaliwa na tagumpay ang kanilang isinagawang mga kilos-protesta laban kina Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at US President Donald Trump sa nakalipas na Asean Summit ay nagkakamali sila.
Kung usapin ng propaganda, masasabing ‘talo’ o bigo ang naging kilos-protesta ng militanteng grupo.
Sa pagsisimula mismo ng Asean Summit, mahigit sa 1,000 demonstrador lang ang dumalo sa pagkilos na ipinatawag ng Bagong Alyansang Makabayan.
Luma at gasgas na ang mga slogan ng militanteng grupo at parang sirang plaka ang kanilang isinisigaw tulad ng “US imperialism” at iba pang “ismo” na matagal nang isinisigaw ng mga dogmatikong leftist group.
Naumay na ang taongbayan sa paulit-ulit na pagkilos ng militanteng grupo. Alam ng mamamayang Filipino na ang tanging layunin ng mga demonstrasyon ay para wasakin ang gobyerno ni Digong.
Lantad na ang ganitong taktika ng militanteng grupo na ang nagpapatakbo sa likod nito ay si CPP founding chairman Jose Maria Sison. Nakaaawa ang mga grupong makakaliwa dahil hanggang ngayon hindi pa rin nila alam na ginagamit lang sila ni Joma.
Si Joma na patuloy na nagpapasarap sa The Netherlands, painom-inom ng kanyang red wine habang namamapak ng ubas at lumalapang ng medium rare na lamb steak.
Kaawa-awang mga demonstrador dahil bukod sa pagod, marami rin sa kanilang mga kasamahan ang nakikipagbalyahan at napupukpok ng mga pulis dahil sa taktikang ‘isalpok’ ang kanilang hanay sa mga nakaharang na anti-riot police.
Sinasadya ito ng mga organizers na urutin at ‘isagasa’ ang mga demonstrador sa mga nakabarikadang anti-riot police para kung mayroong masaktan sa kanilang hanay ay kaagad silang tatakbo sa media at sasabihing binugbog at pinalo ng umiiral na ‘pasismo ng estado.’
Sa nakaraang Asean Summit, tagumpay si Digong kabilang na ang taongbayan dahil sa biyaya na makukuha ng Filipinas sa mga kasaping bansa ng Asean. Hindi lamang sa usapin ng kalakalan kundi pati sa proteksiyon ng migrant workers na mabibiyayaan ang Filipinas sa nangyaring pagpupulong.
Tanging ang militanteng grupo ni Joma ang walang nakuhang tagumpay maliban sa kanilang panggugulo habang isinasagawa ang Asean Summit.
Sinasayang lang ng mga nasabing kabataang ang kanilang lakas at talino sa walang saysay na pagsama sa mga demonstrasyon at rally na ang tanging makikinabang ay kampon ni Joma.
Kung tunay na lider ng bayan itong si Joma, bakit hindi siya umuwi rito sa Filipinas at manguna sa mga isinasagawang pagkilos laban kay Digong? Pero hindi niya ito magagawa dahil masarap ang buhay ng matandang hukluban sa Netherlands.
Hindi niya kayang mamuhay dito sa Filipinas at mandiri kapag nakita niya ang mga barungbarong at mga pulubing namamalimos sa mga lansangan.
SIPAT
ni Mat Vicencio