Saturday , December 21 2024

  Bagong QC Jail, pagtulungan nang maipatayo

HINDI na bago ang balitang daig pa ng mga bilangguan sa Metro Manila ang nagsisiksikang isda sa lata ng sardinas. At mas lalo pang lumala ang situwasyon ng mga preso makaraang ipatupad ng gobyernong Duterte ang giyera laban sa droga.

Katunayan, hindi lang mga bilangguan nasa pamunuan ng Bureau of Jail and Management (BJMP) ang mas masahol sa sardinas kung hindi maging ang mga kulungan sa bawat presinto ng pulisya.

          Dahil sa kalagayan ng mga preso, lumolobo rin ang bilang ng mga nagkakasakit sa kakulangan ng nalalanghap na hangin o sobrang init o alinsangan lalo na kapag panahon ng tag-init.

Hindi lang sakit ang maaaring idinudulot ng sobrang kasikipan sa mga bilangguan kung hindi nagiging mitsa rin ito ng rambol o riot sa loob.

Sa Quezon City, ayon kay QC Jail warden Supt. Ermilito Moral, ang city jail ay may disenyong para sa 700 preso pero sa kasalukuyan ay 3,400 ang nakakulong dito.

Marahil, ay nakikinita natin ang kalagayan ng mga preso sa loob. Inuulit natin para sa 700 katao lang ang QC Jail pero 3,400 ang nakakulong ngayon. Hanep!

Napakainit o napakaalinsangan at baho (marahil) sa loob. Nakatutulog o nakapagpapahangin pa kaya ang mga bilanggo doon.

          Sa kalagayan ng mga preso, nakatutulong ba ito para sila’y makapagbagong buhay? Tandaan sana natin na ang bilangguan ay hindi impiyerno para parusahan ang mga nakakulong kundi ito ay isang rehabilitation center.

Kapag rehabilitation center, alam na ninyo ang ibig sabihin nito. Kaya self explanatory na iyan.

          Nabanggit natin ang riot sa pagitan ng iba’t ibang gang ang isa sa masamang resulta ng masyadong masikip na kulungan tulad ng nangyari kamakailan sa QC Jail.

Isang presong natutulog ang nabasa nang buhusan ng isa pang preso ang kapwa nila bilanggo na binangungot. Inakala ng presong tulog na nasa ilalim ng binangungot na siya ang binuhusan. Dahil dito, nagkaroon ng kaguluhan sa QC Jail.

Ibig sabihin, kung sana ay maluwag ang piitan, marahil wala nangyaring ‘akala rito’ na nagresulta sa riot.

Hindi lang ganitong sitwasyon ang maaaring pinagmumulan ng riot dahil sa kasikipan ng kulungan kundi puwede rin ang hindi sinasadyang pagkakasagian kapag nagkasalubong.

Na naman, inakalang sadya ang pagkakasagi na puwedeng magresulta uli sa riot. Madalas pa naman na kapag may nangyayaring riot ay may napapatay na bilanggo.

Meaning, ang da best na solusyon para maiwasan ang lahat na inaasahan sanhi ng sobrang kasikipan ng mga bilangguan kabilang na rito ang QC Jail, ay pagtatayo ng bagong kulungan – malaki at malawak na kulungan.

Sa lungsod uli, ayon kay Moral, ang city government sa pamumuno ni Mayor Herbert “Bistek” Bautista ay nakabili ng lote sa Payatas area. Ilang bahagi ng lote ay inilaan para sa BJMP o pagtatayuan ng bagong bilangguan.

Sa planong ipatatayong bilangguan, sabi ni Moral, magkakasya rito ang 6,000 hanggang 8,000 preso.

Ang lawak! Iyan ang rehabilitation center.

Kaya lang, hanggang ngayon ay hindi pa nauumpisahan ang plano. Wala pa bang budget?

Kaya para masolusyonan ang lahat ng mga inaasahang problema sa bilangguan, nananawagan ang pamunuan ng  QC Jail sa mga mambabatas ng lungsod at QC government na tulungan ang BJMP para sa konstruksiyon ng panibagong kulungan sa Payatas. Partikular na pinanawagan nina Moral ay mapondohan sa madaling panahon ang proyekto.

Tama si Moral sampu ng bumubuo ng QC Jail sa kanilang pakiusap na sana’y maitayo na ang bagong bilangguan dahil isa ito sa masasabing solusyon sa siksikang kulungan. Katunayan hindi lang kaluwagan sa mga preso ang mareresolba sa pagpapatayo ng bagong kulungan kung hindi ang madalas na hindi pagkakaunawaan ng mga preso na madalas nagreresulta sa riot.

Maganda naman pala ang layunin ng pagtawag pansin ni Moral kay Mayor Bistek, ito ay hindi para sa kanya kundi para sa kabutihan ng mga bilanggo, kaya  Mr. Mayor Bistek, baka naman puwede nang pamasko ninyo sa mga kapwa tao (din) natin na nakakulong ang bagong bahay nila? Malaking tulong ito sa kanilang pagbabagong buhay… at malaking solusyon ito sa problema sa riot na ang pina-uugatan ay kasikipan ng bilangguan.       

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *