PROBLEMA ng mga manggagawa kapag sumasapit ang Kapaskuhan ang usapin ng kanilang mga benepisyo, gaya ng hindi pagbibigay ng 13th month pay at ang tinatawag na Christmas bonus. Malaking problema ito dahil siyempre nais din ng mga manggagawa na mairaos ang kanilang Pasko at tanging 13th month pay ang inaasahan nila para may mapagsasaluhan sa hapag kainan.
Kadalasan ang inaasahang benepisyong ito ay hindi naipagkakaloob ng mga mapagsamantalang may-ari ng pabrika o mga kapitalista. Mayroon naman naibibigay nga pero hindi naman husto. At ang Christmas bonus o 13th month pay naman ay kadalasang dalawang kilo ng bigas lang at ilang pirasong de-latang sardinas. At kung minsan nga ay nganga na lang.
Ang ganitong gawin ng mga negosyante ay talamak pa rin sa Metro Manila, lalo sa Valenzuela City. Ang lungsod kasi ang hanggang ngayon ay may pinakamaraming pabrika sa Metro Manila at may pinakamaraming mga manggagawa na patuloy na pinagsasamantalahan ng mga negosyanteng Intsik.
Hindi lamang sa isyu ng 13th month pay at bonus ang madalas na reklamo ng mga manggagawaa sa Valenzuela. Matagal na ring isyu ang iba pang benepisyo na hindi naibibigay; andiyan ang isyu ng regularization, contractualization, hindi pagpapatupad ng minimum wage, hindi pagbabayad ng overtime pay, hindi paghuhulog ng SSS contribution, walang sick leave, vacation leave at maternity leave at iba pang benepisyong nasasaad sa batas.
Nakapagtataka dahil nagpapatuloy ang ganitong mga kalakaran pero walang aksiyon ang Department of Labor and Employment sa harap ng lantarang mga violation ng Labor Code.
Bakit nakakalusot ang mga pabrikang ito kung totoong may ginagawang inspeksiyon ang DOLE sa mga pagawaang patuloy na nagsasamantala sa maliliit na manggagawa.
Tanong: totoo bang may nababayaran sa Labor Department kapag nagsasagawa sila ng inspection kaya nakalulusot ang mga pabrikang ito?
Kung matatandaan, tinawag na “strike capital of the Philippines” noong dekada 70 ang Valenzuela matapos maglunsad ng sunod-sunod na welga ang mga manggagawa dahil sa ginagawang pagmamalabis ng mga negosyante sa mga obrero.
Kaya naman, nakapagtataka rin kung bakit hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang ganitong pagmamalabis sa hanay ng mga manggagawa kahit sinasabi na ang Valenzuela ay maituturing na maunlad na siyudad sa Metro Manila.
Dapat ay nakikialam ang local executives at leaders ng Valenzuela City para malaman ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa at kasuhan ang mga negosyante na patuloy na lumalabag sa batas paggawa.
Taon-taon na lang ba ay “Paskong tuyo” ang mga manggagawa sa Valenzuela City? Bakit pinapayagan itong mangyari ni Mayor Rex Gatchalian? Totoo bang higit na pinapabroan ni Rex ang mga negosyanteng Intsik kaysa mga manggagawang patas na nagtatrabaho para lang mabuhay ang kanilang mga pamilya?
Tandaan natin na muling lalapit sa taong bayan si Rex dahil malapit na naman ang eleksiyon.