MAGANDA ang takbo ng showbiz career ngayon ni Grae Fernandez dahil sa mga project na ibinibigay sa kanya ng ABS CBN. Kaya naman sobrang thankful ng young actor sa Kapamilya Network.
Bukod sa napapanood si Grae sa Ikaw Lang Ang Iibigin na tinatampukan nina Kim Chiu, Gerald Anderson, Jake Cuenca, Coleen Garcia, at iba pa, tampok din si Grae at si Andrea Brillantes sa kasalukuyang episode ng ansapantaym Presents: Louie’s Biton na napapanood tuwing Linggo. Ito ang unang pagkakataon na nagbida sina Andrea at Grae bilang love team, na ibabahagi sa Wansapanataym ang kahalagahan ng pagiging kontento sa buhay na siguradong kapupulutan ng aral ng mga kabataan linggo-linggo.
“Masayang-masaya po, kasi binibigyan po ako ng maraming blessings ni God,” panimulang saad ni Grae sa amin hinggil sa pagbibida niya sa Wansapanataym.”
Mas ganado ka ba sa nangyayari sa career mo ngayon?
Tugon ng anak ni Mark Anthony Fernandez, “Opo, sobrang ganado po akong magtrabaho kasi ay maraming opportunities ang ibinibigay ng Dreamscape sa akin at kay Andrea, siyempre sa tulong din po ng Star Magic.”
Ipinahayag din ni Grae na wish niyang magtuloy-tuloy na ang pagiging magka-love-team nila ni Andrea. “Sana po, kasi siya na rin po ang gusto kong ka-loveteam talaga dahil na rin komportable na po kami sa isa’t isa.”
Kumusta naman ba si Andrea bilang ka-love team?
“Okay po si Andrea, mabait at mapagbigay po sa mga eksena namin. At okay po ang working relationship naming dalawa.
“Isa pa po, sobrang comfortable na po akong makatrabaho si Andrea, kasi ay ilang beses na po kaming magkasama, and friends po kami… magaling siyang artista talaga at maganda pa.”
Hinggil sa co-stars nila sa Wansapanataym na sina Louise delos Reyes at Aljur Abrenica, sinabi ni Grae na okay silang katrabaho. “Sina Kuya Aljur at Ate Louise, mababait po sila at focus sila sa work… Plus, professional po sila katrabaho.”
Gumaganap dito si Grae bilang si Louie, ang batang lumaki sa marangyang buhay ngunit kasulukuyang dumaranas ng paghihirap matapos mamatay ang ama. Hirap man sa buhay, kasama naman niya ang kanyang inang si Mary Jane (Dimples Romana) na nagtatrabaho para sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Pinagmumulan din ng kanyang saya at lakas si Tori (Andrea), ang kanyang kaibigan at babaeng iniibig.
Sa direksiyon ni Benedict Mique. kasama rin sa Wansapanataym Presents: Louie’s Biton sina Mico Palanca, Irma Adlawan, Brace Arquiza, Marina Benipayo, Dionne Monsanto, Paeng Sudayan, Simon Ibarra, at Marnie Lapuz.
KIM CHIU, GAME
MAGING GHOST BRIDE
KUNG HINDI
NAGING AKTRES
KAKAIBANG movie experience ngayong nalalapit na Undas ang pelikulang The Ghost Bride mula sa Star Cinema na sinasabing ang pinakanakakikilabot na horror-mystery movie ngayon.
Sa direksiyon ng master filmmaker na si Chito S. Roño at sa panulat nina Charlson Ong at Cathy Camarillo, ini-explore ng The Ghost Bride ang isang kakaibang klaseng wedding practice na nagmula sa makalumang tradisyon ng mga Tsino.
Umiikot ang pelikula kay Mayen (Kim Chiu), isang Filipina-Chinese na isusugal ang kanyang buhay sa isang sikretong tradisyon ng kulturang Tsino, sa payo ng isang misteryosang matchmaker na si Madame Angie Lao, upang matulungan niya ang kanyang pamilya. Papasukin ni Mayen ang isang kakaiba at hindi pamilyar na mundo na kailangan niyang pakasalan ang isang taong patay na upang mabuhay ang ibang tao.
Sa pelikula, galing sa mahirap na pamilya si Kim na napilitang maging ghost bride para makatulong sa kanyang amang may sakit. Ipinahayag ni Kim na pamilyar siya sa Chinese tradition hinggil sa ghost bride. “Chinese Tradition ito, actually ‘yung cousin ng lola ko, isa siyang ghost bride, so alam ko nang buong-buo iyong kuwento ng pagiging ghost bride na ikinasal sa patay ‘yung isang… pero kapalit niyon, mayaman ka na.
“Ako, I’m very proud to represent the Chinese tradition, the Chinese family, kasi, isa iyon sa Chinese tradition na hindi alam ng karamihan. Na ginagawa iyon sa isang family, na ipinapakasal ang isang babae roon sa patay na lalaki, para magkapera sila. Pero, it’s about sacrifice, what can you sacrifice for your family.”
Kaya ba niyang gawin iyon, ang magpakasal sa isang patay kung naiba ang circumstances ng buhay niya? “Kung kailangan, kung ang tatay mo ba naman ay 50-50 na, hindi ka ba naman magpapakasal sa isang patay? So, parang ganoon, nasa trailer naman siya,” nakangiting saad ni Kim.
ALAM MO NA!
ni Nonie V. Nicasio