BAWAL na sa Quezon City ang “barker” na nagtatawag ng pasahero sa mga illegal terminal at ”parking attendants” na nangonglekta ng bayad sa mga pampublikong lugar na pinaparadahan ng mga sasakyan.
Ito ay matapos lagdaan ni Mayor Herbert Bautista noong nakaraang buwan ang City Ordinance No. SP-2612 laban sa mga barker at City Ordinance No. SP-2611 laban sa parking attendants, ayon sa pagkakasunod.
Ang mga naturang Ordinansa na iniakda ni District 6 Councilor Eric Medina ay may katumbas na parusang multa at kulong.
Sinomang barker na mahuhuling nagtatawag ng pasahero sa mga illegal terminal ng bus, jeepney, taxi at tricycle ay pagmumultahin ng P1,000 para sa unang paglabag at maaring sumailalim din sa community service sa loob ng limang araw, habang sa ikatlong paglabag ay pagmumultahin ng P5,000 at parusang kulong na isang taon.
Ang pagkakapasa raw ng Ordinance No. SP-2611 ay bunsod ng mga reklamo laban sa mga nagpapakilalang parking attendants na nangongolekta ng bayad sa mga pumaparadang sasakyan na wala namang kaukulang ID at pahintulot mula sa pamahalaang lungsod at tanggapan ng mga barangay.
Ang mahuhuling nangongolekta ng bayad sa parking ay pagmumultahin ng P1,500 o 3-buwan na pagkabilanggo para sa unang pagkakataon, habang P5,000 ang multa sa ikalawa at ikatlong ulit at pagkakulong nang isang taon.
Aba’y, dakilang henyo lang ang pwedeng makaisip lumikha ng katulad na batas na garantisado at epektibo kung sa paglipol ng mga maralita ang pag-uusapan.
Ang ipinagtataka natin ay kung paano naipapasa ang mga ganitong klaseng batas na bukod sa anti-poor ay labag pa sa sentido-kumon.
Magkano lang ba ang kinikita ng mga barker sa kada isang sasakyan na pupunuin ng pasahero, na baka hindi pa nga kasya para sa pagkain ng kanilang pamilya sa maghapon.
Para na rin sinabi sa nilikhang ordinansa na kesehodang huwag nang kumain ang kanilang pamilya kapag nahuli ang barker, o kaya ay magnakaw sila para may maipambayad sa ipapataw na multa sa kanila.
Wala man lang nakaisip sa QC Council na walang barker na magtatawag ng pasahero kung hindi hinayaan ng pamahalaang lokal at ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga illegal terminal.
Kailangan pa ba’ng magpasa ng batas laban sa mga barker at parking attendants kung ipinatutupad ang mga batas sa pagbuwag ng mga illegal terminal at illegal parking?
Kaya nga illegal terminal at illegal parking ang tawag ay bawal at labag sa batas.
Sabi nga ng yumaong komentarista sa radyo at five-time Palanca awardee na si Rolando “Ka Uding” Bartolome: “Kung gusto mong mawala ang lamok ay linisin mo ang kanal na pinanggagalingan ng lamok.”
Mga utak lamok!
PUMANAW NA
SI JOE TARUC
UNA kong nakilala ang premyadong brodkaster na si Joe Taruc noong dekada ‘80 kapag naatasan akong maghatid ng mga paanyaya tuwing may gaganaping okasyon ang Broadcasters Club of the Philippines.
Kung hindi sa kanya ay kay Kabayan Noli de Castro ko malimit iniaabot ang liham na iniatas sa aking ihatid para sa yumaong brodkaster na si Rod Navarro sa dating himpilan ng DWWW sa Broadcast City, bukod pa sa ilang okasyon sa Malakanyang noong panahon ni dating Pang. Ferdinand E. Marcos.
Taong 1995 ay nagkasama kami ni Ka Joe bilang miyembro ng media delegation sa State Visit at pagdalo ni dating Pang. Fidel V. Ramos sa ika-50 Anibersaryo ng United Nations sa New York, USA.
Iisang hotel sa Hawaii ang aming tinuluyan noon kaya ilang araw din kaming sabay nag-aalmusal, hanggang sa New York.
Sa New York, napakiusapan pa ako ni Ka Joe na samahan siyang mag-shopping sa isang kilalang department store.
Isang pagsaludo ang tangi nating maipababaon sa kanyang pagpanaw bilang pagkilala sa kanyang malaking naiambag sa pagpapalaganap ng katotohanan.
Para kay ka Joe, maraming salamat at isang mapayapang paglalakbay!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy lapid