SI Supt. Christian Dela Cruz na ang commanding officer o “station commander” ng Quezon City Police District Kamuning Police Station 10. Dalawang linggo na si Dela Cruz sa estasyon.
Pinalitan niya si Supt. Pedro Sanchez na nakatakdang magretiro sa susunod na taon.
Ang paglipat kay Dela Cruz mula sa Galas PS 11 ay bahagi ng inimplementang reshuffle ni QCPD director P/Chief supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar bilang katugunan sa direktiba ng National Capital Regional Office (NCRPO).
Sa unang linggo ni Dela Cruz, bumaba siya sa barangay. Nakipag-dialogo sa mga punong barangay at sa mga tuahan nito hinggil sa kampanya ng pamahalaan laban sa bentahan ng ilegal na droga.
Nakuha ni Dela Cruz ang suporta ng mga barangay chairman sa area of responsibility ng estasyon.
Pero ibang klase rin pala ang opisyal. Bakit kamo? Bakit?
Bago niya inumpisahan ang paglilinis sa labas, kanya munang nilinis ang loob ng kanyang bakuran.
Nitong Biyernes, 22 Setyembre, personal na pinangunahan ni Dela Cruz ang paggalugad sa detention cell ng estasyon matapos makakuha ng impormasyon na ilan sa nadatnan niyang inmate ay nabibigyan ng VIP treatment.
Ilan sa nakakulong ay sangkot sa droga, estafa at iba pa.
Hayun, sa paglilinis muna sa bakuran bago ang labas, napatunayan ngang may ilang bilanggo ang nabibigyan ng VIP treatment.
Napatunayan ito matapos makakompiska ang opisyal ng apat na celphone, laptop, wi-fi, USB, portable speakers, at tinidor, sa ilang bilanggo.
Naturalmente, nang tanungin sa mga nakompiskahan kung sino sa mga pulis “duty jailer” ang nagbigay basbas sa kanila para makapagpasok ng gadgets, tumangging kumanta ang mga preso.
Wala man kumanta sa mga bilanggo, hindi ibig sabihin na magiging tameme si Dela Cruz hinggil sa kanyang nabuko. Sa halip, ipinag-utos niya sa ilang opisyal na magsagawa ng imbestigasyon para mabigyan ng leksiyon – makasuhan ng administratibo ang nasa likod ng pagpapalusot ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa kulungan.
Meaning, hindi hanggang pagkatuklas ang lahat kung hindi may paglalagyan ang mga mabubukong kumita (kung mayroon man) sa puslitan blues.
Akala ko ba sa Bureau of Customs (BoC) lang uso ang puslitan o smuggling, uso rin pala ito sa maliliit na piitan?
Tama ang unang hakbang ninyo Kernel, bago kayo lumabas, kailangan umpisahan muna ninyo ang paglilinis sa loob ng inyong bakuran. Nakahihiya kasi kung panay ang paglilinis ninyo sa labas pero, pulos basurahan naman ang loob ng presinto.
Anyway, kasama sa ipinag-utos na imbestigasyon ni Dela Cruz hinggil sa mga nabukong ipinuslit na mga gadget ay kung mayroong nangyaring drug transactions sa pagitan ng mga preso at kasabwat nila sa labas. Alamin din nila ang mga nilalaman ng nakompiskang USB.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan