NAGBIGAY na naman ng deadline ang Armed Forces na matatapos na ang giyera sa Marawi City sa loob ng dalawa
hanggang tatlong linggo, at sa kalagitnaan ng Oktubre tuloy-tuloy na ang rehabilitation effort na gagawin sa siyudad.
Isang magandang balita ito kung tutuusin, lalo na kung magkakatotoo. Ang kaso, ilang beses na bang nagsalita ang AFP tungkol sa kung kailan matatapos ang giyera sa Marawi? Sa kinalaunan ay walang nangyayari.
Sino ba naman ang ayaw matapos ang gulo sa Marawi City na napakaraming buhay na ang nawala at ilang bilyong pisong pinsala na ang naidulot sa mamamayan ng lungsod? Sino ba ang hindi umaasa rito? Ang kaso sa mga pahayag na binibitiwan ng AFP, hindi kaya puro paasa lang sila pero wala namang konkretong basehan na magwawakas na nga ang giyera?
Sabi nila maraming basehan dahil ilang puwesto na dating hawak ng mga terorista ang nabawi na ng militar, marami na rin bihag ang nabawi, at ilang lider ng grupo ang napatay. Malaking senyales na nagtatagumpay na ang gobyerno. Nakikiisa tayo sa mga panalong ito, at umaasa na tunay na matatapos na ang giyera bago matapos ang Setyembre. Sana hindi ito paasa lang.
Magdilang-anghel na sana ngayon ang AFP.