KUNG noon ay panay ang operasyon ng mga awtoridad sa ginagawang clearing operations laban umano sa illegal vendors, ito pala ay pansamantala lamang, dahil nagpalit na ng hepe ng pulisya, at precinct commander, balik uli ang sangkaterbang illegal vendors, na dinagdagan pa ng illegal parking ng rutang Sucat-Baclaran sa kahabaan ng Quirino Avenu, Bgy. Baclaran.
***
Pinasyalan ko ang kahabaan ng Quirino Ave., may katotohanan ang sumbong sa inyong lingkod. Hirap magdaan ang mga pribadong sasakyan dahil sa isang linya ay nakaparada ang mga pampasaherong jeep na may rutang Sucat-Baclaran. Tinanong natin ang isang barker, sagot nito, may blessings daw sila sa barangay at sa precinct commander, dahil may ‘lagay’ daw! Que Horror! Ipinagmalaki pa!
***
Kamakailan, naabutan ng inyong lingkod sa tanggapan ni Mayor Edwin L. Olivarez, ang dalawang complainant na nagmamay-ari ng dalawang puwesto, na pawang taxpayer ng lungsod ng Parañaque, kasama ang isang kaibigan na si Rowald Zapata, isang taong-simbahan na taga-Redemptorist Church. Reklamo ng dalawang negosyante, napakaraming illegal vendors na nakaharang sa kanilang puwesto gayong sila ay nagbabayad ng business permits sa pamahalaang lokal ng lungsod.
***
Hindi pa natin alam kung ano ang aksiyon dito ni Meyor. Nalaman ko na bagong upo pala ang precinct commander ng Baclaran na isang Major Lanuza. Major, daming sumbong sa Baclaran, pakiayos naman! Baka hindi ka magtagal diyan kapag BINGI at BULAG ka!
***
Problema rin ang mga nakahambalang na pampasaherong bus sa Roxas Blvd., sa Baclaran, dahil walang terminal kaya sa nasabing lugar ay nakapila ang mga bus na biyaheng Cavite. Hindi na kayang awatin ito kahit buho-buhol na ang trapik.
Noon ang gandang tingnan, dahil nakaabang at nakabantay ang mga tauhan ng MMDA, ngayo, balik sa dati. Imbyerna ang mga apektado ng trapik lalo kapag rush hours.
Kahit hindi rush hours ay trapik na rin dahil nakahambalang ang mga bus. Ningas-kugon lang pala!
***
Ganyan naman talaga, sa simula lang nagtratrabaho, lalo na kapag nababatikos ng media, ang totoo, may ‘lagay’ ang mga awtoridad!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY
ni Amor Virata