Tatanggap pa ng lahok hanggang 29 Setyembre para sa Sali(n) Na! López Jaena 2017 ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Ang Sali(n) Na! ay taunang timpalak ng KWF sa pagsasalin ng pinakamahahalagang tekstong pampanitikan, pangkultura, at/o pangkasaysayan ng bansa tungo sa layuning makalikha ng repositoryo at láwas ng mga opisyal at mapagkatitiwalaang salin sa Filipino ng mga naturang akda.
Para sa taóng ito, isasalin ang ilang bahagi ng Discursos y Articulos Varios ni Graciano López-Jaena bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng kaniyang ika-161 anibersaryo. Pagkakalooban ng PHP80,000.00 at ilalathala ng KWF ang mapipiling pinakamagandang salin.
Isinilang si López-Jaena sa Jaro, Iloilo noong 18 Disyembre 1856. Kasama sina Jose Rizal at Marcelo H. del Pilar, kinikilala siya ng maraming historyador bilang isa sa “tungkong kalan” o triumvirate ng Kilusang Propaganda. Isa siya sa mga nagtatag ng La Solidaridad noong 1889 at siya ang naging unang editor nitó.
Isiniwalat niya sa mga akdang Fray Botod at La Hija del Fraile ang mga pagmamalabis ng mga prayleng Español.
Namatay si López-Jaena noong 20 Enero 1896 sa Barcelona, España sa sakit na tuberkulosis.
Maaaring i-download ang mga isasalin at tuntunin ng paglahok mula sa websayt ng KWF (www.kwf.gov.ph). Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa patimpalak, maaaring tumawag sa Sangay ng Salin sa telepono bilang 243-9789 o mag-email sa [email protected].
http://kwf.gov.ph/puwede-pang-humabol-para-sa-salin-na-lopez-jaena-2017/