WALA rin talaga sa hulog itong si Ilocos Norte Rep. Rudy Fariñas. Sabihin ba namang hindi dapat hulihin ang mga kongresista na makalalabag ng batas trapiko dahil maaabala ang kanilang trabaho.
Lalo pang nakapag-iinit ng ulo itong si Fariñas nang sabihin na: “Halimbawa e nakasagasa. Nasugatan ‘yung tao. ‘Pag nagpakilalang congressman ‘yan, e ‘di saka na huhulihin. Ang aming rules po, ‘pag natapos ang session, isu-surrender ni Speaker ‘yung member sa inyo.”
Nasa katinuan pa ba itong si Fariñas? Na ang tingin niya yata sa kanyang sarili at sa mga kasamahan sa Kamara ay mga bukod na pinagpala, mga panginoon at hari na hindi dapat naabala, hindi pinaghihintay at dapat lahat ay susunod sa kanilang gusto?
Wala na ba kayong kahihiyan? Hindi ba kinikilabutan itong si Fariñas sa kanyang pinagsasabi. Hindi ba siya nahihiya sa kanyang kapwa na patas kung lumaban at tapat na sumusunod sa batas? Kaya nga hindi na nakapagtataka na tingin sa inyo ng publiko ay mga buwaya.
Mahimasmasan sana itong si Fariñas. At kung maaari ay tigilan ang kung ano-anong pinagsasabi niya. Asikasuhin niya ang kanyang constituents sa Ilocos Norte nang hindi siya idinideklarang persona non grata sa mismong kanyang lalawigan, at hindi puro panlalamang sa kapwa ang kanyang iniintindi.