Friday , November 15 2024

Lumaya na sa hawla si Jinggoy; mga kosa sa Plunder, next na!

NAGKATOTOO ang matagal nang umuugong na usap-usapan na makalalaya si dating senador Jinggoy Estrada sa hawla na nabilanggo sa no bail o walang piyansa na kasong pandarambong (plunder).

Ibig sabihin ay susunod na ang mga classmate at kapwa akusado sa pork barrel scam na sina dating senador Bong Revilla, Janet Lim Napoles, Gigi Reyes at iba pa sa kaparehong dahilan.

May nag-aalboroto na raw kasi sa sobrang tagal kaya sadyang binuo ng Fifth Division ang Special Division bago ituga at mabulgar ang naganap na “transfer of currency” sa Sandiganbayan.

Balitang kinompronta raw ng nag-aalborotong mama ang isang mahistrado na nangatuwirang hindi basta-basta puwedeng madaliin ang paglabas ng desisyon dahil mainit pa ang kaso.

Halatang itinaon ang timing sa paglabas ng desisyon at isinabay sa malalaking isyu sa bansa na matagal nang niluluto sa kusina ng Fifth Division para ‘di gaanong mapag-usapan.

Pinayagang makapagpiyansa ng Sandiganbayad, ‘este, Sandiganbayan Special Division si Jinggoy kahit mabigat ang mga ebidensiyang nagdidiin sa kanya sa pork barrel scam at pagbubulsa ngP183.79 kickback mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Matatandaan na unang ibinasura ng Sandiganbayan Fifth Division ang magkasamang petition for bail nina Jinggoy at Napoles noong January 7, 2016 dahil nga malakas ang iniharap na ebidensiya laban sa kanila ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC).

At noong May 11, 2016, naging pinal ang pagbasura nina Associate Justices Roland Jurado, Alexander Gesmundo, at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta sa  motion for reconsideration ni Jinggoy na noo’y bumubuo sa Fifth Division.

Magandang “pasalubong” at masaganang “buena-mano” naman ang kaso ni Jinggoy para kay dating Taguig Judge Lorifel Pahimna na bagong katatalaga sa puwesto bilang pinakabagong mahistrado ng Sandiganbayan.

Pero ang masakit lang, hindi natin inaasahan na makikipagsayaw sa “moro-moro” at “bodabil” si Associate Justice Pahimna, ang kauna-una-hang appointee ni beloved Pres. Rodrigo “Digong” Duterte sa Sandiganbayan.

Hindi kaya malaking pagkakamali ang pagkakapili kay Pahimna sa ikakasang giyera ng kasalukuyang administrasyon laban sa katiwalian?

Ang kahindik-hindik, pinayagang makapagpiyansa ng Sandiganbayan si Jinggoy gayong ang hiwalay na hirit sa pagbasura ng plunder case laban sa kanya ay hindi pinaboran.

Sentido-kumon lang, kung nananatili ang no bail na kaso ng akusado ay bakit pinayagan siyang makapagpiyansa?
Kung nakapagsasalita lang siguro ang mismong plunder law ay tiyak na katakot-takot na tungayaw at masasakit na pagmumura ang aabutin ng mga mahistrado ng Sandiganbayan na hindi ginagamit ang batas laban sa mga akusadong mandarambong.

Baligtad ang naging resulta sa pagkakapasa ng plunder law, imbes makabuti ay nakasama pa dahil sa mga hindi dapat maitalagang hukom at mahistrado.

Aba’y, imbes maging deterrent o hadlang ay mistulang ini-enganyo pa ng Sandiganbayan ang mga tulisan sa pamahalaan na lakihan ang nanakawin dahil sa sunod-sunod na ang pagbasura sa mga kasong plunder.

Hindi ba ang dahilan sa paglikha ng plunder law ay para maparusahan ang nagkakasala at maibalik sa pamahalaan ang kanilang ninakaw?

Karamihan kasi sa mga nahahatulan ay ‘yung mas mababa sa P50 milyon ang ninakaw sa pamahalaan o malversation ang kaso.

Sayang lang ang nagastang pera at naaksayang panahon ng Kongreso sa paglikha ng plunder law dahil lalo pa itong nagpalala sa malalim na problema ng katiwalian sa pamahalaan.

Nasayang din pati ang ipinuhunang malasakit ng mga mamamayan na lumahok sa One Million March laban sa mga abusadong mambabatas at magnanakaw ng pork barrel.

Minsan pang napatunayan na, “A person must be presumed innocent until proven influential.”

Mas bagay pa yata, tawagin na lang Sandigan ng mga Mandarambong ang Sandiganbayan.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *