ISANG vintage bomb ang natagpuan ng mga construction workers habang nagsasagawa ng excavation work sa MIA road malapit sa Nayong Pilipino nitong Huwebes ng hapon, ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA) kahapon.
Ang tatlong talampakang 2000 pound na World War II bomb ay nakabaon nang dalawang metro sa lupa nang madiskubre ng mga mangagawa ng St. Gerald Construction, ayon kay MIAA general manager Ed Monreal.
Dagdag ni Monreal, mabilis na nagtungo sa site si airport police Col. Adrian Tecson at nalaman na tinamaan ng backhoe ang naturang metallic object na kahawig ng isang bomba.
Sa report ni Tecson bumaba ang mga cons-truction personnel upang makita kung anong bagay ang tinamaan nila.
Nang matanto na ito ay isang bomba, inireport agad ng mga manggagawa sa dumaraang airport police mobile patrol ang tungkol sa kanilang nahukay.
Hindi pa batid kung anong uri ng bomba kaya agad inilipat sa pag-iingat ng bomb explosive unit ng PNP-Aviation Security Group na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport.
(GLORIA GALUNO)