Friday , November 15 2024

Ibalik si Erap sa kulungan!

SAKTONG sampung taon na sa Martes (Sept. 12) nang ibaba ang hatol kay ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrada matapos mapatunayang siya ay guilty sa kasong pandarambong ng Sandiganbayan.

Noong September 12, 2007, si Erap ay pinatawan ng parusang reclusion perpetua, katumbas ng 40-taong pagkabilanggo.

Bilang accessory penalty sa naging hatol kay Erap, ipinasasauli rin sa kanya ng Sandiganbayan ang salapi ng taongbayan na kinurakot niya sa pamahalaan.

Pero hanggang ngayon ay hindi pa naipatu-tupad ng alinmang ahensiya sa pamahalaan ang pagbawi sa mga salapi na napatunayang kinulimbat ni Erap.

Sa hatol kay Erap, ipinababalik ng Sandiganbayan ang pinagsamang P1.8-bilyong pondo na kinurakot sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).

Sina Carlos Arellano, pangulo noon ng SSS at si Federico Pascual, dating pangulo ng GSIS, ay kapwa tumestigo sa paglilitis ng Sandiganbayan laban kay Erap.

Umaabot sa halagang P1.8-bilyon na pinagsamang pondo ng SSS at GSIS ang ipinasandok ni Erap kina Arellano at Pascual na ipinambili ng 681,733,000 shares of stocks sa Belle Corporation, isang kompanya na pag-aari ng crony niyang si Dante Tan.

Natunton din ang halagang P542.7 milyon at P200 milyon deposito sa Equitable-PCI Bank na nakapangalan sa Erap Muslim Youth Foundation.

Ipinasasauli kay Erap ang P545-milyon na nakamal niyang ‘tong’ sa jueteng; P130-milyon tobacco excise tax share ng Ilocos Sur; P189.7-milyon kickback sa GSIS at SSS stocks sa Belle Corp. at ang P3.23 bilyong deposito sa “Jose Velarde” account sa Equitable PCI Bank, Binondo branch sa Maynila.

Sa utos ni Erap noon, ginamit ni Arellano ang P900-M pondo ng SSS habang P1.1-B pondo ng GSIS ang ipinuhunan ni Pascual sa pagbili ng stock sa Belle Corp.

Si Jaime Dichaves, isa pang crony ni Erap at sinasabing tirador ng malalaking kontrata ngayon sa Manila City Hall, ang nagmaniobra sa transaksiyon ng SSS at GSIS sa Belle Corp.

Halagang P189-M ang naging kickbak ni Erap o katumbas ng 10 porsiyento sa halos P2-B stocks na ipinuhunan ng SSS at GSIS sa Belle Corp., na si Dichaves ang tumanggap sa pama-magitan ng isang tseke ng International Exchange Bank (Check No. 6000159271), na may petsang November 5, 1999.

Ang nasabing tseke ay idineposito ni Dichaves sa kanyang bank account pagkatapos ay nag-isyu siya ng sarili niyang tseke na may kaparehong halaga at inilipat naman niya sa “Jose Velarde” account sa Equitable bank.

Natuklasan ang 7 tseke ng P182.76 milyon na natunton sa isang Urban Bank account ng kanyang anak na si Sen. JV Ejercito na lalong nagpatibay na si Erap nga ang may-ari ng Jose Velarde account.

Noong nakaraang taon, nabulgar ang anak ni Erap na si JV Ejercito ay may deposito sa British Virgin Island, isang bansa na ginagawang taguan ng mga nakaw na yaman sa mundo.

Sa ngayon, tanging ang Boracay Mansion pa lamang sa No. 100, 11th Street, New Manila sa Quezon City ang nakompiska ng pamahalaan.

Ang Boracay Mansion ay regalo ni Erap sa kabit na si Laarni Enriquez na nabili sa halagang P142-milyon na kinita sa jueteng, ayon sa San-diganbayan.

Pero hanggang ngayon ay hindi pa ganap na naipatutupad ng pamahalaan ang kautusan at desisyon ng Sandiganbayan sa pagbawi ng mga pera at interes na sinandok ni Erap.

Magkano, ‘este, ano ang ginagawa ng Sandiganbayan, Office of the Ombudsman at Office of the Solicitor General (OSG) na nasa poder para ipatupad ang ipinababawing pera kay Erap ng Sandiganbayan at pagkompiska sa kanyang mga ari-arian?

Ang hatol ng Sandiganbayan ay pinal at hindi na mababago pa kahit ng Korte Suprema at kasaysayan kung kaya’t sa ayaw at sa gusto ni Erap ay obligado siyang sundin ang hatol.

Malaking tulong ang pagbawi sa perang dinambong ni Erap para mapagaan ang buhay ng mga pensiyonado at miyembro ng SSS.

Kung hindi sinusunod ni Erap ang kautusan sa hatol ng Sandiganbayan hanggang ngayon, ibig sabihin ay nilalabag niya ang kanyang pardon.

‘Pag may basehan ng paglabag, dapat ibalik si Erap sa bilangguan upang pagsilbihan ang habambuhay na sentensiya sa kanya ng Sandiganbayan na naudlot lang dahil sa pardon na iginawad sa kanya ni GMA.

Ibalik na sa Bilibid si Erap!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *