HAHARAP ngayong araw sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee si presidential son at Davao City vice mayor Paolo Duterte at ang kanyang bayaw na si Atty. Manases Carpio hinggil sa P6.4 bilyong shabu smuggling na nakalusot sa Bureau of Customs.
Asahan na magiging full force ang kampo ng Liberal Party o mga kaalyado ng nakaraang administrasyon at iuumang ang kanilang mga bala laban sa anak ng pangulo at kanyang manugang na umano’y isinasangkot sa “Davao Group” na involved sa malawakang smuggling.
Pero asahan din ang mga kakampi ng administrasyon na aalalay at ‘di papayag makuyog ang magbayaw sa kanilang pagharap sa komite para magbigay-linaw sa umano’y pagka-kasangkot nila sa smuggling, base na rin sa ipinalalabas ng ilang mga kakampi ng dating administrasyon.
Sa kung ano mang kahihinatnan ng pagdinig na ito, ang higit nating inaasahan ay matuldukan ang usaping ito: matukoy kung sino nga ba talaga ang nagpasok ng malaking bulto ng droga, at sila ay maparusahan; mawakasan ang smuggling sa BoC, at matukoy rin kung sino-sino nga ba ang nasa likod ng Davao Group.
Bagamat may bahid ng politika ang usapin, hindi dapat na ito ang mangibabaw kundi ang katotohanan at kung anong dapat at ‘di dapat gawin.