MAGIGING abala ang Kamara sa mga susunod na linggo dahil dalawang impeachment complaints ang kanilang dapat aksiyonan — isa laban kay Commission on Elections chairman Andres Bautista at ang ikalawa ay kaso ni Chief Justice Lourdes Sereno.
Mas lalo pang hindi magkakandaugaga ang Kamara dahil iniuumang na rin ang impeachment complaint laban naman kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, na kung tutuusin ay may kaugnayan Kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte dahil kapatid ng Ombudsman ang tatay ni Manases Carpio na asawa naman ng anak ng pangulo na si Sara Duterte. Mayabang ang Kamara sa pagsasabi na kaya nilang aksiyonan ang mga impeachment complaint at matatapos nilang lahat sa tamang panahon. Bukod sa mga impeachment, sandamakmak din ang investigation in aid of legislation daw.
Duda ang marami kung nagagawa ba talaga ng Kamara ang trabaho nila sa dami ng imbestigasyon nito na nagmamaskarang “in aid of legislation” pero kung tutuusin ay wala namang mga batas na naipapasa.
Nasaan na ang mga priority bills ng pangulo? Bakit hanggang ngayon ay hindi yata naaaksiyonan?
Tamang aksiyonan ang impeachment complaint laban sa mga kalaban ng administrasyon pero ‘di dapat kalimutan ang pangunahing trabaho, ang magpasa ng batas na tunay na may kapakinabangan sa mamamayan.