DAHIL pumasok na nga ang pinakaaabangan ng marami na “ber” months, dahil ito ang hudyat na papalapit na ang Pasko, tiniyak ng Pambansang Pulisya na paiigtingin ang police presence sa mga lansangan para sa kaligtasan ng publiko.
Nangako kahapon si PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa, na mas marami pang pulis ang itatalaga sa mga lugar na kadalasan ay pinupuntahan ng tao lalo’t papalapit ang Kapaskohan.
Aniya, mas maraming pulis ang itatalaga sa malalaking pamilihan gaya ng mga mall para mapaigting ang seguridad ng mga mamimili.
Payag tayo sa sinasabing ito ng hepe ng Pambansang Pulis-ya, pero sana ay matiyak niya na ang mga pulis na kanyang itatalaga sa mga sinasabi niyang crowded na mga lugar gaya ng mall ay talagang tututok sa masasamang loob at talagang malalapitan ng mamamayan para mahingan ng tulong, hindi iyong na-kiki-window shopping, gumigimik o kaya ay nagpapalamig lang sa mall.
Marami na tayong nakikitang mga pulis na lakwatsa ang inaatupag kapag nasa ganitong assignment, ‘yung iba naman nasa designated police desks nga sa mga pamilihan pero walang inaatupag kundi kalikutin ang kanilang cellphones.
Mga maliliit na isyu ito kung tutuusin, pero kung hindi ito tututukan ng pamunuan ng PNP, tiyak na malaki ang epekto nito sa mamamayan — imbes maging tulong sila laban sa mga kriminal ay baka dagdag prehuwisyo lamang. Matiyak sana ng pamunuan ng PNP na lahat ng kanilang ide-deploy na mga pulis sa matataong lugar ay kayang proteksiyonan ang mamamayan laban sa lahat ng masasamang-loob.