Friday , November 15 2024

Customs inialok na pero tinanggihan ni Fred Lim

HINDI marahil naging director ng National Bureau of Investigation (NBI), secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG), senador at alkalde ng Lungsod ng Maynila si Mayor Alfredo Lim kung tinanggap niya noon ang alok na maging hepe ng Bureau of Customs (BOC).

Walang kamalay-malay si Maj. Gen. Lim na nakatakda pala siyang italaga bilang hepe ng Customs kasunod ng nalalapit na pagreretiro sa serbisyo noong December 21, 1989 bilang pulis at noo’y director ng Western Police District (WPD).

December 13, 1989 nang ipatawag ni dating Pang. Cory Aquino si Lim sa Malacañang at personal na sabihang siya ang napipisil na italagang hepe ng Customs.

Pero imbes mapalundag ay mabilis na tinanggihan ni Lim ang inialok na puwesto na halos ikahulog naman ni Cory sa upuan.

Sa pagkabigla ay napasigaw si Cory at hindi makapaniwala na naitanong kay Lim: “Anooo? Tinatanggihan mo ang Customs? Hindi mo ba alam ang daming lumalapit sa akin at nagpapakamatay para mapuwesto sa Customs, ikaw tinatanggihan mo? Bakit?”

Tugon ni Lim: “Kasi ho, kung tatanggapin ko ang alok n’yo, pumapasok pa lang ako sa pintuan ng Customs ay tiyak na masama na agad ang iisipin ng mga tao. Siguradong iisipin na magnanakaw din ako.”

Isang malapit na kaibigan ni Lim ang nakabalita sa ginawa niyang pagtanggi sa alok at sinabihan si Lim na: “Nasisiraan ka na ba? Bakit mo tinanggihan? Hindi mo ba alam na 6 months ka lang sa Customs ay made ka na!”

Imbes ang puwestong pinag-aagawan ng marami sa Customs, ang naipundar na tiwala ng publiko bilang alagad ng batas sa mahabang panahon ang pinanghinayangan at ayaw masira ni Lim.

Kinabukasan, nakatanggap si Lim ng tawag mula kay dating senador Joker Arroyo na noo’y executive secretary ni Cory.

Muling ipinatawag si Lim sa Malacañang at inialok sa kanya ang ibang puwesto bilang director ng NBI na kanyang tinanggap.

Nagretiro si Lim noong December 21, 1989 at naitalagang NBI director.

Sunod-sunod na malalaking accomplishment ang naitala sa kasaysayan ng NBI sa ilalim ng liderato ni Lim.

Si Lim ay sukatan nang mabuting pagkatao na dapat tularan sa larangan ng tunay na pagsesrbisyo sa mamamayan at pamahalaan.

At ang importante sa lahat, si Lim ay walang mantsa ng katiwalian sa pamahalaan.

GEN. LAPEÑA, INGAT PO
SA MEDIA “MANIPULATOR”

Sabi ni bagong Commissioner Isidro Lapeña, uunahin niya ang pagsupil sa nakagisnang kultura ng ‘pasalubong’ at ‘tara’ ng mga opisyal at kawani sa Bureau of Customs (BOC).

Harinawa ay magtagumpay si Gen. Lapeña at maipatupad ang marching order sa kanya ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa pagbuwag ng katiwalian sa Customs na malalim ang pagkakabaon.

Paulit-ulit na kasi nating narinig ang mga sinabi ni Lapeña na namutawi sa bibig ng mga dating commissioner na namuno rin noon sa Customs na kanyang sinundan.

Isa sa dapat pag-ingatan ni Gen. Lapeña ang mga ‘manipulator’ na magagaling magpaikot.

Huwag na huwag siyang kakagat, kahit libre, sa iuumang na patibong sa kanya na pagagandahin kunwari ang imahe ng Customs gamit na sangkalan ang isang grupo ng media.

Sa sandaling makuha na ng hindoropot ang tiwala n’yo, sunod na aarbor na ang grupong ‘yan ng mga palusot na mga hawak nilang smuggler.

Namunini sa smuggling ang grupong ‘yan pero si dating Commissioner Nicanor Faeldon lang ang hindi nila napaikot.

‘Yan ang dahilan kaya halos araw-araw nilang binabanatan sa kanilang pahayagan si Faeldon.

Pero ang mas mahalaga ay masiguro ni Gen. Lapeña na taas-noo niyang lilisanin ang Customs, sa huli.

Good luck, Sir!!!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *