ISINUSULAT ang editorial na ito’y ilang araw nang sinasalanta ng bagyong Harvey ang Houston, Texas.
Dahil sa walang tigil na pag-ulan, bumaha na sa maraming lugar sa nasabing estado ng Amerika.
Kabilang sa mga binaha ang kanilang mga highway at mismong ang airport.
Marami ngayon ang nabibinbin sa San Francisco International Airport na sana ay pauwi sa Texas.
Maraming Filipino ang apektado sa nangyayari ngayon sa Texas dahil marami sa kanila ay may mga kamag-anak na naninirahan doon.
Batay sa mga nakikita natin sa social media, mahihinuhang hindi handa ang pamahalaan ng Texas sa nagaganap na kalamidad. Marami ang nagsasabi na matagal na sila sa Texas pero ngayon lamang nangyari ang ganoon kalawak na pagbaha.
Makikita ang ilang ospital at homecare center na pinasok ng baha at kapos na kapos sa personnel para alalayan ang kanilang mga pasyente kasi nga hindi nakapasok ang nurses, doctors, aids dahil impassable ang malalaking kalsada.
Habang lumalaon, maraming lugar sa iba’t ibang panig ng mundo ang nakararanas ng hindi kapani-paniwalang kalamidad.
Hanggang ngayon, maraming taga-Texas ang hindi makapaniwala na mararanasan nila ang malawak na pagbaha. Base sa mga ganyang karanasan, masasabi nating hindi garantiya ang yaman at kaunlaran ng isang lugar para hindi maging biktima ng matinding kalamidad.
Kaya kung magiging handa man sa pisikal, material at pinansiyal na aspekto, siguruhin din na inihahanda ang espiritwal na aspekto ng indibiduwal.
Dahil sa huli, iisa lang ang puwedeng masabi, Diyos lang talaga ang nakaaalam.