LUMIHAM ang OFW na si G. Albert dela Rama tungkol sa problema na kanyang idinulog sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) laban sa Filinvest Development Corp.
Ayon kay G. Dela Rama, binawi sa kanya ng Filinvest ang house and lot sa Valle Dulce Subdivision sa Bgy. Bubu-yan, Calamba, Laguna na tatlong taon niyang hinuhulugan. Hanggang ngayon ay hindi ibinabalik ng Filinvest ang kanyang mga naibayad at hindi rin ina-aksiyonan ang reklamo na kanyang idinulog sa HLURB noong June 2, 2017.
Narito at basahin po ang liham ni G. Dela Rama:
“Dear Sir,
Ipagpaumanhin n’yo po na maabala ko ang iyong magandang paninilbihan sa bayan.
Nais ko lamang po na maipaabot sa inyo ang ginawang pananamantala ng Filinvest land developer na maituturing na panloloko sa aming mahihirap. Alam ko po mayroon din namang ahensiya – ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) – na may saklaw sa ganitong problema o reklamo.
Pero ramdam po namin na hindi seryoso ang HLURB na ako’y tulungan. Wala silang pangil na sabihin sa mga developer na karapa-tan namin na maibalik sa amin ang aming mga naideposito sa Filinvest na aming inihulog sa kanila upang bumili sana ng bahay at lupa.
Hindi po ibinalik ng Filinvest sa akin ang unit ng bahay, pati ang pinaghirapan ko sa loob ng tatlong taon bilang isang OFW. Masakit po na ang ginagawa ko palang pagtitipid sa aking sarili para may maipanghulog buwan-buwan sa sinasabi nilang investment ay dadambungin lang po.
Napakalinaw po ng aking idinulog na reklamo sa pamamagitan ng aking isinumiteng salaysay sa HLURB pero hindi nila ginagawan ng agarang aksiyon na maibalik sa akin ang karapatan ko.
Inilapit ko na rin po ito sa public service program ng isang TV network nguni’t hindi po pinalad na mabigyan ng pagkakataon na basahin ang aking dalang sulat noong magtungo ako sa kanilang estasyon.
Saan pa po kami ibang lalapit na maaaring makakatulong sa amin?
Sana po ay mabasa n’yo ang aking liham. Kung hindi man po kayo, sana isa man lang sa inyong staff ang makapagtiyaga na basahin ang aking sulat para makarating sa inyo.
Sana po, mabigyan ng pansin at matulungan n’yo po kami para matigil na po ang ginagawang pananamantala sa amin ng ibang malalaking housing developer dahil sa sobrang pahirap at prehuwisyo nila sa amin.
Maraming salamat po!”
Binabalewala ba at hindi inirerespeto ng HLURB ang direktiba ni Pang. Digong na dapat aksiyonan sa loob ng 15 araw ang anomang reklamo na idinudulog sa mga tanggapan ng gob-yerno?
At gaano pa kaya karami ang katulad na reklamo na natetengga sa HLURB?
IN-DEMAND SI ESPENIDO
PATI SA NCR AT MAYNILA
ITINALAGA na ni Pang. Digong si Chief Insp. Jovie Espenido bilang bagong hepe ng Iloilo City police.
Hindi nakatanggi ang pangulo sa pakiusap ni Espenido na maitalaga sa bagong destino bilang pakonsuwelo sa magkakasunod niyang accomplishment sa giyera kontra ilegal na droga.
Masyadong in-demand si Espenido, pinag-aagawan kasi siya sa maraming lugar na talamak ang ilegal na droga.
Ultimo sa National Capital Region (NCR) ay kinasasabikan ang pagtatalaga kay Espenido, lalo sa Maynila na ang ‘shabu’ ay parang kendi lang na inilalako.
Sana raw ay maagang matapos ang target ng misyon ni Espenido sa Iloilo at sa Maynila naman siya sunod na idestino.
MAY PR BA SA MEDIA
SI MAYOR MABILOG?
NAKABIBILIB naman si Iloilo City Mayor Jed Mabilog, hanggang sa Metro Manila ay malawak ang kontak sa media.
Pinakyaw na yata lahat ni Mayor Mabilog ang ere sa sunod-sunod na napakinggang nationwide interview sa kanya matapos pagbigyan ni Pang. Digong ang pakiusap ni Police Chief Insp. Jovie Espenido na maitalagang hepe ng Iloilo City police.
Pero ang katulad na panayam kay Mayor Mabilog kamakalawa ng malalaking radio station sa Metro Manila ay posible lamang mangyari sa tulong ng matitinik na PR sa media. Aba’y, hindi basta-basta ang umupa ngayon ng PR sa media dahil magastos at medyo may kamahalan, lalo’t ang kliyenteng magbabayad ay pasok sa maselang isyu ng illegal drugs.
Sino kaya ang PR at ponente ng mga interview kay mayor?
Walang imposible talaga at walang pinipili, kahit sa ilegal na droga, basta’t pera ang nangusap.
Sabi nga, “when money talks.”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid