TAMA ang panawagan ng mga commissioner ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang chairman na si Andres Bautista na ikonsidera niyang mag-leave of absence muna o ‘di kaya ay tuluyan nang magbitiw sa kanyang puwesto ngayong siya ay nahaharap sa malaking kontrobersiya.
Hindi dapat balewalain ni Bautista ang panawagan ng kanyang mga kasamahan kahit sabihin pang malaki ang paniniwala at tiwala sa kanya ng maliliit na empleyado. Ayon sa mga kapwa niya opisyal sa Comelec, makabubuting mag-leave of absence na siya o ‘di kaya ay magbitiw na dahil nga apektado na ang buong komisyon at trabaho nila.
Ikonsidera dapat ni Bautista ang sitwasyon ng Comelec sakaling maapektohan ng reklamong impeachment na isinampa laban sa kanya.
Dapat makita ni Bautista na nahaharap ngayon ang Comelec sa mabigat na mga trabaho: ang protest case na isinampa ng dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo, ang posibleng pagsuspendi ng barangay at SK elections, at ang nalalapit na 2019 midterm elections. Oo nga’t marami ang nagtitiwala kay Bautista, lalo na ang maliliit na empleyado ng komisyon. Pero hindi ito usapin lang kung gaano katiwala sa kanya ang mga kawani ng Comelec. Usa-pin ito kung magagampanan pa ba niya ang kanyang tungkulin bilang chairman ng Comelec kung hati ang kanyang atensiyon sa pagitan ng trabaho ng isang hepe ng isang malaking institusyon habang sinusuong naman ang eskandalo ng kanyang pamilya na nauwi na sa reklamong impeachment na ngayon ay nakahain sa Kamara.
Huwag sanang panghinayangan ni Bautista ang kanyang posisyon kung malalagay naman sa bingit ng alanganin ang trabaho ng Comelec at paglaki pa ng eskandalo na nagsasangkot sa kanyang pamilya.