NAKAAMBA ang malaking protesta para sa 17-anyos na binatilyo na si Kian Loyd delos Santos, na binaril at pinatay ng tatlong pulis sa isang anti-drug operation sa Caloocan City noong isang linggo. Hindi naman tutol dito ang Malacañang.
Nagpupuyos sa galit ang marami sa lantarang pagsisinungaling ng mga pulis na may kagagawan sa pagkamatay ng bata na pinilit umano ng tatlong pulis na kunin ang baril, iputok ito at saka tumakbo, base na rin sa salaysay ng mga testigo at nakita sa CCTV.
At hindi maibsan sa galit ang marami lalo pa nang sabihin ng pulisya na drug courier ang bata ng kanyang ama at tiyuhin. Isang bagay na lalo pang nagdagdag ng langis sa nag-aapoy na damdamin ng mamamayan, kabilang na ang mga bumoto at hanggang ngayon ay sumusuporta sa Pangulong Duterte.
Tayo man na suportado ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga ay napapailing, nagagalit at nagtatanong kung bakit kailangan humantong sa ganito? At pagkatapos ay bibigyang katuwiran pa ng ilang pulis ang nangyari. Lalo pang masakit ay nang magbitiw ng salita ang hepe mismo ng National Police na si Bato dela Rosa na mas maiging sila na ang mamatay kaysa kanyang mga tauhan.
Nagpupuyos din sa galit ang mga kakampi ng administrasyong Duterte at mga pulis, dahil maraming kontra sa pangulo at kanyang mga programa ang ginagamit ang pagkamatay ni Kian para maisulong ang kanilang interes.
‘Yun naman pala, bakit pinag-iinit ng pulisya ang damdamin ng bayan? Sa kanilang ginagawa ngayon — ang magtagni-tagni ng istorya para i-justify ang pagkakapatay sa bata — ay lalo lamang nilang pinalalala ang sitwasyon, lalong inilalalyo sa pangulo ang mahihirap na nagtiwala sa kanya.