TALK of the town ang pagpatay kay Kian Loyd delos Santos, 17-anyos na pilit isinangkot sa droga ng Caloocan police.
Binaril at napatay si Kian dahil nanlaban daw sa mga operatiba ng Caloocan Police ngunit, batay sa mga saksi, pawang kasinungalingan ang pinagsasabi ng pulisya.
Hindi raw nanlaban at sa halip, binigyan ng baril ang binatilyo at inutusan na iputok at saka pinatakbo.
Dahil sa siste ng operasyon para lamang makipagkompetensiya sa Bulacan Police Provincial Office na nakapatay ng 22 drug addict/user (daw) sa loob ng 24-oras, hayun sumabit ang Caloocan police.
Sa pag-aapura ng Caloocan police na sumikat o pansinin sila ni Pangulong Digong, ang naging resulta’y bumalik (boomerang) sa kanila. KSP kasi ang Caloocan police e.
Hindi lang ang tatlong pulis na sabit sa pagkakapatay kay Kian ang sinibak sa puwesto kung hindi maging ang hepe ng Caloocan police na si Sr. Supt. Chito Bersaluna. Dapat lang at dapat noon unang araw pa lamang ng isyu.
Sinibak ang hepe dahil sa “command responsibility.”
Ha ha ha… sa kagustuhan ng Caloocan police na mapansin sila ng Pangulo, nagresulta tuloy ito ng “bad image.” Pinatay nang walang kalaban-laban ang binatilyo at pilit na isinasabit sa droga.
Ang masaklap nito, kung ano-ano nang paninira ang ipinupukol ng Caloocan police laban sa binatilyo. Nagpalabas sila ng saksi na nagsasabing sabit daw sa droga si Kian.
Pero sa barangay ni Kian, walang rekord na nagpapatunay na pasok sa droga ang pinaslang.
Dahil sa kapalpakan ng Caloocan police, nadamay tuloy ang kampanya sa ilegal na droga ng Pangulo.
Maging ang mga nakaraang operasyon ng PNP ay pinagdududahan na rin kung ang lahat ba nang napatay ay nanlaban?
Lahat ba nang napatay ay adik o tulak?
Ano sa tingin ninyo mga kababayan?
Bagamat, suportado natin ang kampanya laban sa ilegal na droga ng mahal nating Pangulong Digong,
hindi ba puwede sa PNP ang hindi pumatay sa bawat operasyon? Teka, hindi naman sila pumapatay kung hindi, napatay daw dahil sa nanlaban.
Ang nakatatawa lang dito… madalas na nangyayari ay naunang nagpaputok daw ang suspek kaya gumanti lang ang mga pulis.
Napakagaling talaga ng mga pulis, kayang ilagan ang bala. Kalahi yata ng mga police natin si Shyder, ang pulis pangkalawakan .
Anyway, hindi ba talaga kaya ng PNP ang walang napapatay sa bawat operation? Puwedeng-puwede naman. Ba’t natin nasabing puwedeng-puwede.
Heto ang napakasimple kasagutan diyan. Hindi ba armado rin ng mga baril ang PDEA kapag nagsasagawa sila ng drug operation? Armado sila pero walang napapatay… at tagumpay pa ang karamihan sa lakad nila.
Meaning, puwedeng- puwede na walang mapapatay sa operasyon ng PNP kung talagang gugustuhin nila.
Pareho lang naman ang PNP at PDEA sa estilo o ipinatutupad na kampanya, pero bakit may napapatay sa PNP samantala wala sa PDEA?
Katunayan, iyon din ang ipinagtataka ng isang nakausap kong heneral sa PNP. Nagtataka siya kung bakit sa hanay ng pulisya ay napapatay ang mga inaaresto (nanlaban daw kasi) pero sa PDEA ay walang napapatay.
Bakit nga ba? Sadya bang imahen na ng pulis ang pagpatay? Hindi naman siguro pero ba’t laging ganoon? Laging resulta ng drug operations ng PNP ay may patay? Nanlaban nga e.
Dahil sa matinong operasyon ng PDEA, walang isyu laban sa PDEA habang ang PNP, laging may sabit? Hindi ba kaya ng PNP ang operation ng PDEA – ang walang napapatay?
AKSYON AGAD – Almar Danguilan