PLAYING safe?
Ito marahil ang maaring sabihin sa nangyayari ngayon sa mga miyembro ng Kamara dahil sa kabila ng kontrobersiyang kinakaharap ni Commission on Elections (Comelec) chairman Andres Bautista tahimik na tahimik ang mga kongresista.
Wala ni isa man lamang na kongresista na maglakas ng loob na direktang mag-file ng reklamo laban kay Bautista para tuluyan siyang ma-impeach at masipa sa kanyang puwesto. Kung tutuusin, mas hahangaan pa nga si Rep. Gary Alejano na kahit paano ay nagpakitang may “balls” nang sampahan niya ng impeachment complaint si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
At kung mayroon kayang isang indibiduwal na mag-file ng impeachment complaint laban kay Bautista, mayroon din kayang mag-endorse na kongresista? Hindi ba’t si Bautista ay tao ni dating Pangulong Noynoy Aquino?
Nakapagtataka rin kung bakit sa kabila ng mga isyung kinakaharap nina Vice President Leni Robredo, Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio Morales, wala rin mga kongresistang nagpapakita ng interes para masampahan ng impeachment ang mga nasabing opisyal.
Uulitin natin, hindi ba’t mga tao rin sila ni dating Pangulong Noynoy?
Dito makikita kung gaano kagulang ang mga tinaguriang ‘buwaya’ ng Kamara. Ayaw nilang maiipit sa kontrobersiya lalo kung malalaking tao ang kanilang maaaring mabangga o masagasaan.
Nasaan na ang sinasabing tunay na minorya ng Kamara? Nasaan na rin ang mga makakaliwang grupo ng mga kongresista? At higit sa lahat, nasaan na sina Speaker Pantaleon Alvarez at Majority floorleader Rudy Fariñas?
Ang kaya lang kasi ng mga nasabing kongresista ay maliliit na taong walang kakayanang lumaban sa tulad nilang mga makapangyarihang mambabatas. Tingnan ang nangyari sa “Ilocos 6” na ikinulong nang halos dalawang buwan kahit wala namang mga kasalanan.
Nasaan ngayon ang tapang nina Alvarez at Fariñas? Bakit hindi nila direktang sampahan ng kasong impeachment sina Bautista, Robredo, Sereno at Morales? Ipakita nila ang kanilang tunay na tapang at galing.
Kung mismong ang mga kongresista sa pa-ngunguna nina Alvarez at Fariñas ang magsasampa ng kasong impeachment laban sa apat, tiyak na titingalain at hahangaan sila ng taong bayan. Hindi ‘yung maliliit na tao lamang ang kanilang pagdidiskitahan at ipakukulong nang walang kalaban-laban.
Pero wala talagang maaasahan sa Kamara sa ilalim ng pamumuno nina Alvarez at Fariñas. Basurang maituturing ang kasalukuyang Kamara na tunay na pinamumugaran ng mga buwaya!
SIPAT – Mat Vicencio