Friday , November 15 2024

Taguba, Chinese financiers and Company ikulong agad!

NAGSAMPA na kahapon ng kaso sa Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga nasa likod ng nasabat na P6.4-B shipment ng shabu sa Valenzuela City.

Kinasuhan ng paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga Taiwanese nationals na sina Chen I. Min at Jhu Ming Jyun; Chinese nationals Chen Ju Long (aka Richard Tan/Richard Chen) at Li Guang Feng; warehouse caretaker Fidel Anoche Dee, “middleman” Dong Yi Shen (aka Kenneth Dong), Customs broker Mark Ruben G. Taguba II, Teejay A. Marcellana at Eirene May A. Tatad.

Hindi bale kung may iba pang hiwalay na kasong isasampa laban sa kanila, basta’t ang importante ay matiyak lang na si Taguba at ang mga Tsekwang financier na kasabwat niya sa smuggling ng ilegal na droga ay mabubulok sa bilangguan.

Umaasta pang whistle blower si Mark Ruben G. Taguba II, ang kunwa-kunwariang broker cum weekly tabloid ‘publisher’ para makalusot sa smuggling ng P6.4-B halaga ng shabu na nasabat ng mga awtoridad sa Valenzuela City noong Mayo.

Sa katotohanan, si Taguba at ang mga mambabatas sa Senado at Kamara na nag-iimbestiga ay kapwa naggagamitan lang.

Ipinambabala ng mga mambabatas si Taguba laban kay Commissioner Nicanor Faeldon dahil pinalagan ang matagal nang umiiral na kultura ng “Padrino System” na gustong ipagpatuloy ng mga politikong nakasawsaw sa Bureau of Customs (BOC).

Si Taguba ay nakikipagkamutan ng likod sa mga mambabatas na gustong magpatalsik kay Faeldon sa puwesto.

Sinasamantala ni Taguba ang pagkakataon kapalit ng proteksiyon na malusutan ang kanyang krimen sa P6.4-B shabu shipment at matagal nang negosyo sa illegal drugs smuggling.

Gusto pang palitawin ng mga mambabatas na galit at nais magpatalsik kay Faeldon na mas mabigat ang kaso ng mga nasusuhulan sa Customs kaysa trafficking ng illegal drugs.

Pero bakit tahimik ang mga mambabatas laban kay Maita Acevedo, ang hepe ng Formal Entry Division (FED) sa Manila International Container Port (MICP) na ayon kay Taguba ay kasama sa mga opisyal na kanyang ‘tinatarahan’ sa Customs?

Sana ay maging mabilis ang proseso sa kanilang kaso para kahit paano ay hindi naman nakahihiya sa kaluluwa ng small time pusher at pi-pitsuging adik na napatay sa inilunsad na all-out war ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Hindi ba ang mga Pinoy drug mule na gina-gamit ng sindikato na tagabitbit ng kontrabando ay walang kesyo-kesyong ibinibitay sa China at ibang mga bansa?

Nawa ay makulong agad, sa lalong madaling panahon, si Taguba at kanyang mga Chinese financier sa smuggling ng ilegal na droga.

Amen!!!

PANALO SA PAKAPALAN
SI CHAIRMAN BAUTISTA

KUNG may Olympic lang sa pakapalan ng mukha, posibleng gold medalist si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista.

Habang nanawagan kunwari sa kampo ng kanyang maybahay na itigil daw ang circus sa media, panay naman ang mala-teleseryeng drama nila ng kapatid sa malalaking network at pahayagan.

Pasalamat si Bautista at nakapagtitimpi ang publiko na maghimagsik laban sa posibleng naganap na pagtarantado sa 2016 elections, batay sa nabulgar na pagtanggap umano niya ng komis-yon mula sa kompanyang Smartmatic.

May paiyak-iyak pa si Bautista sa harap ng ilang empleyado ng Comelec na nagpapahayag ng suporta sa kanya.

Sabi ni Bautista, hindi raw ang pagbibitiw sa kanyang puwesto ang mahirap gawin, kung ‘di ang iwan ang mga kawani sa Comelec na itinuturing niyang pamilya.

‘Buti pa ang mga empleyado ng Comelec na hindi naman niya kaano-ano ay itinuturing niyang pamilya, kaysa kanyang sariling maybahay na tsinatsani sa budget at pinaglilihiman ng mga tagong-yaman.

Kung hindi makapal ang mukha ni Bautista at talagang walang itinatago ay magbakasyon na siya, hindi na kasi niya magagampanan nang wasto ang kanyang tungkulin sa Comelec hangga’t hindi natatapos ang kinakaharap at kakaharapin pang mga kaso.

Kesyo nakausap pa raw niya si Luis Cardinal Tagle para humingi ng gabay.

Paano siya magagabayan ni Cardinal Tagle kung mismong kasamahan nga nilang pari ay sabit din sa kahalayan?

Hahaha!!!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *