MINSAN na namang lumutang ang pangalan ng anak ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na si Davao City vice mayor Paolo sa usapin na may kinalaman sa korupsiyon.
Ito nga ay nang ibulalas ng isang resource person ang pangalan ng presidential son sa congressional hearing noong isang linggo tungkol sa mga iregularidad sa Bureau of Customs.
Matindi ang paninindigan ng pangulo tungkol sa anak. At kaya niyang isugal ang kanyang posisyon bilang pangulo ng bansa mapatunayan lamang na hindi niya kinokonsinti ang mga anak lalo kung may kaugnayan sa ilegal na gawain.
Handa raw siyang magbitiw sa puwesto kung mapapatunayan ng kanyang mga kritiko na ang anak ay sangkot sa kahit anong uri ng korupsiyon. Maglabas kayo ng dokumento o kahit anong ebidensiya, kahit affidavit man lang daw na tutukoy sa koneksiyon ni Paolo sa ilegal na gawain at bababa siya ng puwesto.
Kilala ng pangulo ang anak, at naniniwala tayo na maski anak niya ay hindi niya sasantohin lalo na kung ito ay may katiwaliang gagawin, lalo sa usapin sa droga.
Sa mga kritiko ng pangulo, kung ayaw ninyo si Duterte, pagkakataon na ninyo ito: humanap kayo at maglabas ng ebidensiya laban sa anak at bababa siya sa kanyang puwesto.