SINO nga ba talaga ang uupong alkalde ng Puerto Princesa City (Palawan)? Si Mayor-elect Lucilo Bayron ba o ang bise niyang si Luis Marcaida III?
Kung ang pag-uusapan ay base sa nakaraang halalan, si Bayron ang alklade pero sa ngayon ay nalilito ang mamamayan ng Puerto Princesa sa kung sino nga ba ang alkalde sa kasalukuyan.
Bakit dalawa ba ang nakaupong alkalde sa kasalukuyan? Hindi naman kundi, si Bayron pa rin. So, anong problema?
Ang problema kasi, para bang nililito ng Office of the Ombudsman ang mga constituent ng lungsod. Paano kasi, kamakailan sa kanilang paggising, si Marcaida na ang alkalde at pagkatulog at pagkagising uli nila, si Bayron na naman ang alkalde. Ha! Nakalilito nga.
Ano ba talaga Office of the Ombudsman? Wait ba’t Ombudsman? Hindi ba Comelec ang dapat na masunod sa kung sino ang uupong alkalde? Tama ka riyan, pero wait lang po ha.
Ganito kasi iyon (kung bakit napasok ang Ombudsman)…
Noong 18 Nobyembre 2016, sa desisyon ng Ombudsman, ipinasisibak ng ahensiya si Bayron sa pagka-alkalde ng lungsod makaraang mapatunayan na kanyang ipinasok sa city hall bilang empleyado ang kanyang anak na si Karl. Ito ay isang paglabag sa batas “nepotism.”
Ang mas malala rito, itinanggi ni Bayron na may relasyon siya kay Karl o sinasabi niyang hindi niya kaanak o anak si Karl.
Meaning, kung sibak na si Bayron, si Marcaida na ang uupo. Exactly! Iyan ay base sa batas pero, hindi agad umupo si Marcaida at sa halip ay ipinaubaya niya lang ang posisyon kay Bayron na kanyang kapartido.
Pero walang nagawa sa kautusan ng Ombudsman si Marciada, kinakailangan niyang sumunod nang ipag-utos ng DILG ang kanyang pagiging alkalde. Kaya Pebrero 2017, nanumpa at umupo na si Marcaida sa trono ng pinakamataas na posisyon sa lungsod. Meaning, siya na ang al-kalde. Right!
Pero, humingi ng saklolo sa Court of Appeals si Bayron.
Makaraan, paggising ni Marcaida at ng mamamayan ng Puerto Princesa, si Bayron na naman uli ang kanilang alkalde.
Ito ay matapos na magpalabas ng panibagong kautusan ang Ombudsman noong 20 Marso 2017 at ibinaba sa Simple Dishonesty ang kaso ni Bayron… at ang dismissal from the office ay naging three (3) suspension na lamang ang kaparusa-han kay Bayron.
Ayos ha! I hope walang nangyaring hokus-pokus dito. Wala naman siguro. Ha ha ha! Wala nga ba?
Pangulong Digong, heto na po ang Ombudsman na iyong binatikos kamakailan. Ang gulo nila!
Anyway, hindi naman naging problema ito kay Marcaida. Kanyang ipinaubaya (uli) ang posisyon sa kanyang kaibigan at kapartidong si Bayron.
Pero, heto na naman ang Ombudsman (hindi naman umapela si Marcaida). Nagpalabas uli ng panibagong desisyon. Nitong Hulyo 28, 2017, ipinag-uutos ng Ombudsman kay Bayron na lisanin uli ang posisyon – ang pagka-alkalde. Oo, pinalalayas na naman si Bayron. Ano ba talaga kuya?
Dahil dito, nagpasiya nang magtungo sa DILG Central Office at Ombudsman sa Quezon City si Marcaida para linawin ang lahat at inalam kung uupo na ba siya bilang alkalde ng Puerto Princesa o kung kailan.
Pero anang DILG, kanila munang bineberipika uli ang desisyon ng Ombudsman. Gusto ng DILG na bago nila iimplementa ang pinakahuling desisyon ay nais nilang maging malinaw ang lahat sa Ombudsman.
Nalilito na rin kasi ang DILG sa Ombudsman, parang bagyo ‘ika nga kung mag-isip. Kung gumawa ng desisyon, pabago-bago.
So meaning, waiting pa rin si Marcaida sa kalinawan ng lahat na manggagaling sa Ombudsman.
Kunsabagay, okey naman si Puerto Princesa mayor-in-waiting Marciada, tila hindi naghahabol sa posisyon – lamang, sana lang ay ayusin mabuti ng Ombudsman ang lahat para sa mamamayan ng Puerto Princesa.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan