TULAD ng mga naunang action star at action director, gusto nilang bumalik ang action films kaya nga unti-unting sumusubok ang ibang mag-produce at hoping na tangkilikin ito ng tao.
Hindi nalalayo sa kanila si Gerald Anderson na umaasang babalik ang action movie lalo na ngayong may entry siya sa 2017 Pista ng Pelikulang Pilipino na magsisimula sa Agosto 16-22 nationwide.
Ipinagmamalaki ni Gerald ang AWOL na idinirehe ni Enzo Williams mula saSkylight Films at Cinebro at kasama niya sina Jeric Raval, Bernard Palanca, Richard Quan, Raymond Bagatsing, Dianne Medina, at special participation niBembol Roco.
Ayon sa aktor ay, ”masaya po ako rito sa ‘AWOL’ kasi kahit maliit lang po ‘yung budget namin, ilang araw lang po kami nag-shooting (11 days), sobrang maayos po ang lumabas. And I’m trying to show people na kahit ganoon ang sitwasyon, kaya nating gumawa ng maayos na action movie. Hindi lang kasi puro bakbakan itong ‘AWOL’ kundi maganda ang kuwento rin tungkol sa pamilya, tungkol sa survival, gagawin mo lahat para sa bansa mo, pero mas gagawin mo lahat para sa pamilya mo.”
Ano ang mas challenging kay Gerald, ang AWOL o ang OTJ (On the Job)?
“Mahirap po, ito (AWOL) siguro kasi lahat ng eksena kasama ako tapos halos lahat intense. So physically mas challenging itong ‘AWOL’. ‘Yung sa ‘OTJ’ naman kasi, medyo malaki ang cast kaya hati-hati po ‘yung exposure, ‘yung kuwento,”pahayag ni Gerald.
Ginagampanan ni Gerald ang isang sundalo na isinet-up siya kasama ang buong tropa kaya napilitan siyang mag-AWOL at dahil may ginawa sa pamilya niya kaya gumanti siya.
Nabanggit pa ni Gerald na bago siya nag-shoot ng AWOL ay dumaan siya sa matinding training at talagang mga taga-Scout Ranger mismo ang nag-train sa kanya.
“Kasama po namin sa set ang mga totoong military men, mga Scout Rangers talaga, special forces ng Pilipinas, kasama namin everyday na ‘yung dalawa po na nakasama namin sa shooting at sa training, namatay na po sa Marawi (siege).
“Kaya nga sabi ko po, iniaalay ko itong ‘AWOL’ sa kanila (military men) kasi kasama sila noong nabuo itong movie and nakita mo ‘yung saya nila na nasa shoot sila at wala sila sa bakbakan. Alam mo ‘yung parang nabigyan sila ng kaunting pahinga, breather, break,” kuwento ni ‘Ge.
Itinanggi ng aktor na ang kuwento ng AWOL ay may kinalaman sa Marawi o SAF Fallen dahil malayo, ”ang masasabi ko lang, kuwento ng sundalo ang ‘AWOL’. At nakalulungkot ang mga isine-share nila (sundalo) dahil puro bakbakan at naalala ninyo ‘yung Zamboanga siege, sila po ‘yung galing doon. ‘Yung tropang iyon po ang nagturo (training) sa akin. Sila rin ‘yung lumaban doon.”
Sa Metro Manila at Laguna ang entire shooting ng AWOL na parang sa Mindanao ang set-up.
Indie movie ang AWOL at hindi naging handlang ang mababang talent fee ni Gerald dahil noong ikuwento sa kanya ang istorya ng pelikula ay sinabi niya kaagad na,‘tara, Shoot na tayo.’
Tinanong namin ang aktor kung ano ang mas gusto niya ngayong nasubukan na ang action film, maging action star na o mas feel pa rin niya ang romantic comedy film?
“Masuwerte ako kasi may mga artista na hindi lahat ng genre kayang gawin. Kaya I’m very blessed na ang dami kong opportunities na gawin ang bagay na ito, siyempre noong lumabas ako ng ‘PBB’ (Pinoy Big Brother) hindi ko naman alam ang mangyayari sa akin, it’s just show na kapag mahal mo ang trabaho mo ‘di ba, babalik din sa ‘yo ‘yan?
“Mas komportable? Iba kasi ‘yung thrill ‘pag action, iba ‘yung adrenalin at iba ‘yung feelings kasi ito ‘yung mga pinanonood ko noong bata ako, action, but at the same time, I also want people to fall in love, ‘yung mga love stories sa pamilya kaya kailangan ding magpakilig (rom-com),” paliwanag ng aktor.
At ang physical demands na kinailangan ni Gerald sa AWOL, ”noong una kaming nag-meet ni direk Enzo, sabi niya, ‘masyado kang pogi’. Sabi ko, ‘o sige direk, hindi po problema ‘yan, ide-glamorize ‘yan, workout, nagpalaki ako ng katawan, nag-training po kami with the special forces everyday kung paano humawak ng baril, kung paano palitan ‘yung magazine. Lumabas po yata ‘yung behind the scenes ng ‘AWOL’ sa Facebook so if you have time po, silipin n’yo lang.
“Parang hindi siya movie na gawa rito sa Pilipinas kaya nakatutuwa and just to be part of it, and sana maging game changer na ito,” nakangiting kuwento ni Gerald.
Mapapanood na ang AWOL sa Agosto 16 mula sa Cinebro at Skylight Films mula sa direksiyon ni Williams.
FACT SHEET – Reggee Bonoan