BUMULAGTANG walang buhay ang apat hinihinalang tulak ng ilegal na droga habang walo pang mga suspek ang arestado sa anti-drug operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay MPD Station 3 commander, Supt. Arnold Tom Ibay, ikinasa nang pinagsanib na puwersa ng kanyang mga tauhan na sina Barbosa PCP C/Insp. Alden Panganiban, Drug Enforcement Unit (DEU) C/Insp. Leandro Gutierrez, katuwang ang MPD Special Operations Unit (DSOU) sa pangunguna ni Supt. Jay Dimandal, ang buy-bust operation dakong 12:30 am sa loob ng Fraternal Compound malapit sa kanto ng Castillejos St., Quiapo.
Ngunit nakatunog ang target ng pulisya na si Rickmark Barredo, 22, na pulis ang katransaksiyon kaya pinaputukan ang mga awtoridad. Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Pagkaraan, biglang sumulpot ang mga kagrupo ni Barredo na sina Antonio Seyno, 45; Elizalde Villanueva, 48, at Kenji Pineda, at nakipagpalitan ng putok sa mga awtortidad na ikinamatay ng mga suspek.
Habang inaresto ng mga pulis sa akto ng pot session sa sinasabing drug den ang walo pang mga suspek na sina Ofelia Gatdula, 59; Teresita Lasic, 63; Odranreb Upaga, 40; Alberto Cortez, 37; Mark Lalic, 19; Glomarl Manansala, 18; Jomael Badtuan, 18, at Ernesto de Guzman, 18-anyos. (BRIAN GEM BILASANO)