OPISYAL nang nagwakas ang alamat ni Juan Manuel ‘El Dinamita’ Marquez sa ibabaw ng pinilakang lona.
Ito ay matapos niyang ianunsiyo ang pagreretiro sa boxing kamakalawa sa palabas na Golpe A Golpe sa ESPN Deportes at ESPN Mexico na siya ay isang boxing analyst.
Pinakanakilala ang 43-anyos na si Marquez sa apat na makasaysayang 4 na serye ng laban kontra sa ‘Pambansang Kamao’ na si Manny Pacquiao na nagwakas sa isang pamibihirang knockout win para kay Marquez noong 2012.
Nakatabla sa unang laban, yumukod nang bahagya sa ikalawa at ikatlo, nakuha rin sa wakas ni Marquez ang pinakaaasam-asam na panalo kontra sa tinagurian pinakamatatag niyang karibal nang patulugin si Pacquiao sa Round 6 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada, USA.
Inamin ni Marquez na ito ang pinakamakulay na bahagi ng kanyang karera bukod sa pagiging kampeon sa dibisyon ng featherweight, junior lightweight at lightweight sa 24-taong tinahak sa mundo ng boxing.
Tinaguriang isa sa mga pinakamagagaling na counterpuncher ng kanyang panahon, nakaharap na ni Marquez ang ilan din sa mga alamat ng boxing tulad nina Marco Antonio Barrera, Erik Morales, Floyd Mayweather Jr., at si Pacquiao mismo.
Nagtapos sa 56 panalo, 7 talo at 1 tabla ang karera ni Marquez buhat nang pumasok sa boxing noong 1993.
ni John Bryan Ulanday