WALA nga sigurong katuturan ang unang naging banta ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na ipabubuwag na lamang niya ang Commission on Human Rights dahil wala naman daw itong naitutulong kundi pumuna nang walang basehan.
Kung tutuusin, panggulo ngang maituturing ang CHR sa maraming kampanya ng administrasyon lalo sa usapin ng giyera laban sa ilegal na droga na ilang libo katao na ang namamatay. At kadalasan, ang palaging sigaw ng CHR, may paglabag na ginawa ang mga awtoridad na nagsagawa ng operasyon.
At ito ngang huling operasyon ng pulisya sa Ozamiz City na ikinamatay ni Mayor Reynaldo Parojinog, kanyang misis at 14 iba pa, tiyak na kakampihan ng CHR ang pamilya ng mga nasawi at aawayin ang mga pulis.
Papel na talaga ng CHR ang kuwestiyonin ang bawat operasyon ng PNP, ang magbigay ng duda sa publiko na may paglabag na nagawa habang isinasagawa ang operasyon. At sa pama-magitan nito nababalanse ang pagtingin ng mamamayan: sino ang tama, sino ang may mali.
Maaaring maraming kumontra sa pahayag ng CHR, pero marami rin ang magpapalagay na baka nga may punto rin ang CHR. Dalawang panig ang puwedeng pakinggan at mula roon ay ta-yong mamamayan ang titimbang.
Hindi tama na buwagin ang CHR, hindi dahil sa wala itong naitutulong sa pamahalaang Duterte kundi dahil Ito ang esensiya ng tunay na demokrasya! Ang may marinig at makita na pupuna sa gawa ng administrasyon ang magpapatunay na malaya ang bansa.
Kahit pangit pa at walang saysay o kabuluhan sa marami ang sinasabi ng CHR, tayong publiko naman ang titimbang.