MAKAILANG ulit nang nalagay sa pangit na imahen ang Simbahang Katolika, hindi lang dahil sa pakikialam sa mga isyung politikal, kundi higit dahil sa mga balitang pang-aabuso ng kanilang mga manggagawa, lalo na ng mga paring ang pakilala sa mga sarili ay mga alagad ng Diyos.
Nalagay na naman sa matinding kahihiyan ang Simbahan dahil sa pagkaaresto ng isang pari sa Marikina City, si Msgr. Arnel Lagarejos, matapos mahuling kasama ang isang 13-anyos na batang babae sa loob ng kanyang sports utility vehicle at papunta sa isang motel. Isang menor de edad din na bugaw na kanya umanong katransaksiyon ang inaresto rin.
Huwag daw agad husgahan ang pari at hayaan munang imbestigahan, ayon sa mga matataas na opisyal ng Simbahan. Huwag na raw gumawa pa ng kung ano-anong komento para hindi na lumala ang sitwasyon.
Hindi na bago ang ganitong insidente sa hanay ng mga Katolikong pari. Matagal na panahon na nangyayari ang ganito, at hindi lang sa Filipinas, kundi sa maraming bahagi ng mundo. Maging sa Roma, ang sentro ng Simbahang Katolika ay nababalot din ng napakaraming kontrobersiya mula sa pang-aabusong seksuwal hanggang sa korupsiyon.
Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming Katoliko ang tumalikod na o hindi na naniniwala sa kanilang kinagisnang pananampalataya. Ang ganitong mga suliranin sa hanay ng mga pari ang dapat bigyang sentro ng liderato ng Simbahan, hindi ang pakikialam sa politika. Dapat pagtibayin ang pananalig sa Diyos upang ang ganitong mga insidente ay hindi na maulit pang muli, at nang sa ganon ay magabayan nang wasto ang kanilang mga kawan.