NAG-ISYU si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ng immigration lookout bulletin laban sa hinihinalang drug lords na sina Peter Lim, Kerwin Espinosa, Peter Co, at limang iba pang indibidwal.
Inilabas nitong 11 Hulyo, sa nasabing lookout bulletin order, iniutos sa Bureau of Immigration (BI) personnel na iulat sa mga awtoridad ang ano mang pagtatangka ng mga suspek na lumabas ng bansa sa kabila nang nakabinbing kasong kriminal laban sa kanila bunsod ng illegal drug trading, sa Department of Justice (DoJ).
Kabilang din sa lookout list ang bodyguard at driver ni Espinosa na si Marcelo Adorco, at kanyang sinasabing hitman na si Ruel Manidlangan; righthand man na si Max Miro; Albuera, Leyte village councilor Jun Pepito, at hinihinalang henchman Para Espinosa; at si Lovely Adam Impal, sinasabing isa sa top supplier ng droga ni Espinosa.
Sina Miro at Manidlangan ay sumuko sa pulisya noong Setyembre.
Si Impal ay sumuko kay Philippine National Police chief Ronald “Bato” Dela Rosa noong Disyembre.
Kalaunan, siya ay pinalaya dahil walang arrest warrant sa kanya hinggil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga noong panahong iyon.
Makaraan ang isang buwan, si Impal ay inaresto ng anti-drug agents sa entrapment operation sa Iligan City noong 18 Enero.
Si Espinosa kasalukuyang nasa ilalim ng Witness Protection Program ng DoJ bunsod ng kanyang nalalaman kaugnay sa narcotics trade.