PATULOY na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang Luzon, Metro Manila, at ilang bahagi ng Visayas sa susunod na tatlong araw dulot ng bagyong Gorio, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Admi-nistration (PAGASA).
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagguho ng lupa at matin-ding pagbaha, partikular sa Cordillera.
“Habang umaangat kasi itong bagyo, umaa-ngat din ang access ng habagat… Babantayan po natin ang Cordillera area dahil may mga area kasi riyan na landslide-prone,” ayon kay PAGASA Administrator Vicente Ma-lano.
Pinalalakas at hinahatak ng bagyong Gorio ang hanging habagat na galing sa timog-silangang bahagi ng bansa. Inaasahan itong magdadala ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, Bicol, at Mindoro, pati na rin sa kanlurang Visayas. Mahina hanggang katamtamang ulan ang maaaring maramdaman sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas.
Habang posibleng bumaha sa Ilocos region, CALABARZON, at Cordillera Administrative Region. Pinag-iingat ang mga nasa MIMAROPA, Kanlurang Visayas, at Bicol region.
Pinayohan ang maliliit na sasakyang pandagat na iwasan ang paglalayag dahil magiging maalon ang katubigan sa Luzon.
Pagsapit ng Sabado, halos parehong mga lugar din ang makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Nakatuon ang mga pag-ulan sa kanlurang Luzon, partikular sa Iba, Bataan, ilang bahagi ng Cavite, Metro Manila, at Batangas.
Sa Linggo ay bahag-yang mababawasan ang buhos ng ulan at inaasahang patungo na ang bagyo sa Taiwan.
Taglay ni Gorio ang hanging umaabot sa 85 kilometro kada oras ma-lapit sa sentro, na may pagbugso ng hanging umaabot sa 105 kilometro kada oras.
Huling namataan ang bagyo sa layong 615 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City.
Tinatayang kikilos ito nang pahilaga, hilagang-kanluran sa bilis na 9 kilometro kada oras.
Dahil sa mga pag-ulan, nagsuspinde ng klase sa mga paaralan sa ilang lugar sa Luzon kahapon. Nagkansela rin ng flights ang ilang airlines.