PARA sa kapayapaan kaya hiniling ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa Kongreso ang martial law extension. Pinayagan ito ng mayoridad ng mga mambabatas, alang-alang sa pagsupil sa terorismo sa Marawi.
Bagamat maraming taga-Marawi ang dumaraing na hirap na sila sa kanilang sitwasyon at gusto nang bumalik sa kanilang lugar kahit hindi pa ganap ang kapayapaan, hindi ito papayagan ng pamahalaan.
Mas mabuti rin na huwag igiit ng apektadong taga-Marawi ang kanilang gusto dahil baka mapagkamalan silang nagkakapera sa salapi ng mga terorista, na sabi nga ng Pangulo ay mula sa drug money.
Sa ano mang klase ng digmaan, laging mamamayan ang apektado. Pero mas gugustuhin ba nilang mapahamak ang kanilang pamilya, makabalik lang sa mga bahay nila sa Marawi?
Huwag sanang isubo ng mga taga-Marawi ang kanilang sarili sa kapahamakan at maging maingat na huwag silang marahuyo ng mapanlilnlang na ‘luha ng buwaya.’