SA nakalipas na isang taon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, masasabing ang kampanya ng kanyang pamahalaan laban sa ipinagbabawal na gamot ay matagumpay. Ang bilang ng krimen sa bansa ay bumaba at higit sa lahat ang kalakalan ng droga ay hindi na namamayagpag ngayon.
Pero hindi masasabing lubos ang tagumpay ng pamahalaan ni Duterte kung ang pagtutuunan lamang ng pansin ay kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot. Sa harap ng bumabang bilang ng krimen sa bansa, dapat ay kaakibat din nito ang pagsugpo ng korupsiyon pati na ang malaganap na kahirapan sa bansa.
Ang usapin sa trabaho ay hindi dapat kalimutan ni Duterte kasabay ng pagharap sa suliraning patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Hindi natatapos ang tungkulin ni Duterte sa pagsugpo lamang sa ipinagbabawal na droga kundi kaakibat nito ang pagharap sa maraming problema ng maliliit na mamamayan.
Mahigit isang taon na ang administrasyon ni Duterte kaya nararapat lamang na pagtuunan niya ng pansin ang ibang suliranin ng Filipinas. Kung inaakala ni Duterte na sapat na ang kampanya laban sa droga para sa isang matagumpay na pamahalaan ay nagkakamali siya.
Ang kawalan ng trabaho, kagutuman, korupsiyon ay higit na mabalasik na lason sa katawan at utak ng bayan kung ikokompara ito sa epekto ng droga.