MAAARING aprubahan ng Kongreso ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang martial law sa Mindanao hanggang katapusan ng taon, ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.
“Meron siyang objective na gustong ma-achieve; sabi niya ‘I need x more days to address that objective’ so who are we to say ‘no, no, no, you don’t need that longer period of time’?” sinabi ni Pimentel sa panayam nitong Martes.
“Theoretically, puwede naming igsian, pero wala bang weight ‘yung period requested by the President? Mabigat ang weight noon,” dagdag niya.
Sinabi ito ni Pimentel, bagama’t inamin niyang nabigla siya sa anunsiyo ng Malacañang na humihiling ang pangulo ng extension ng martial law ng limang buwan.
“Nagulat ako, but what is binding is in the written. ‘Yung usap-usapan, hindi counted ‘yon. Kung ano ‘yung formally na-request in writing, that is the one which counts,” ayon sa lider ng Senado.
Nagkaroon ng dinner meeting sina Pimentel, majority bloc senators at mga kongresista kasama ng pangulo sa Malacañang nitong Lunes upang talakayin ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao para matugunan ang krisis sa Marawi City.
Pag-alala ni Pimentel, tinanong niya si Duterte kung gusto niyang palawigin ang martial law ng 60 pang araw. Sinabi niyang tumango si Duterte bilang tugon.
Sinegundahan ito ni Majority Leader Vicente Sotto III, sa panayam ng media.