LIMANG miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang sugatan habang patay ang isang miyembro ng CAFGU makaraan tambangan ng hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kanilang convoy sa bayan ng Arakan, Cotabato, nitong Miyerkoles.
Ang sampung miyembro ng PSG ay patungo sa Cagayan de Oro City lulan ng dalawang sasakyan nang maka-enkuwentro ang hinihinalang mga rebelde na naglatag ng checkpoint sa boundary ng Arakan at Davao City, ayon kay PSG spokesperson Col. Mike Aquino.
Aniya, ang mga armado ay tinatayang 50 katao na pawang nakasuot ng military uniforms.
“May nakitaan na nagpapanggap sa check point, Task Force Davao pa ang nakalagay. Alam mo naman itong grupo na ito mapagpanggap sila. Noong na-detect ng tropa na ‘di sila totoong sundalo, doon nagkaputukan,” pahayag ni Aquino.
Pagkaraan ay umatras ang mga rebelde at pinatay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit, na kinilalang si Benjamin Pandia.
Ayon sa ulat, nagpakilala si Pandia bilang CAFGU member sa mga rebelde makaraan akalaing mga sundalo ang mga NPA.
Limang miyembro ng PSG ang nasugatan sa insidente.
Samantala, sinabi ni North Cotabato police provincial director, Sr. Supt. Emmanuel Peralta, naniniwala siyang planado ng NPA ang ambush.
Aniya, bunsod nito, paiigtingin ng mga tropa ng gobyerno ang operasyon laban sa armadong rebeldeng grupo.
“The NPAs when they conduct roadblock or checkpoint, they are spotting any government vehicle to check and ambush and I believe this is what happened this early morning,” aniya.
Ang insidente ay ilang araw makaraan ibunyag ng PNP ang intelligence reports na
maglulunsad ng mga pag-atake ang NPA sa Davao region.