NAKALULUNGKOT ang ginagawang crackdown ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) laban sa transport network vehicle services (TNVS) gaya ng Uber at Grab, dahil sa reklamo ng mga taxi driver at operators, na itinuturong dahilan ng paghina ng kanilang mga negosyo.
May nakikitang kutsabahan sa pagitan ng LTFRB at mga negosyante at may prangkisa ng mga taxi para kuyugin ang Uber at Grab na ‘di hamak na nakapagbibigay ng mas maayos na serbisyo kaysa kanila. Anong mayroon kung bakit ganoon kaagresibo ang LTFRB na putulan ng pakpak ang Uber at Grab?
Maisip sana ng LTFRB na sa ginagawa nila, ang commuting public ang nagdurusa?
Hindi dapat sisihin ang mga dating rider ng taxi na lumipat sa Grab at Uber dahil sa dami ng mga pangit na istorya at karanasan sa kamay ng mga taxi driver, bagamat hindi naman natin nilalahat.
Paanong masisiyahang sumakay sa taxi kung karamihan sa mga driver nito ay mga walang modo? Hindi ba’t hanggang ngayon ay nariyan ang masasaklap na kuwento ng mga driver na namimili ng pasahero, nagkokontrata, may mga maniac at mayroon ding mga holdaper?
Hindi natin sinasabing perpekto ang Grab at Uber, may ilang pangit na istorya rin tungkol sa kanila, ngunit ang maganda dito, madali silang matutunton at makikilala, dahil sa sandaling mag-book ng serbisyo sa kanila, naroroon ang pangalan, telepono at kung paano sila matutunton.
Sinasabing mahal ang serbisyong kanilang ibinibigay. Doon pa lang ay magtataka na kung bakit mas pinipili nang marami na magbayad nang mahal sa Uber at Grab kaysa taxi na mas mura? Kasi nga mas kampante at komportable sila sa uri ng kanilang serbisyo.
Kung magtitino siguro ang maraming driver at operator ng mga taxi, at makisabay sa kung anong mayroon ang Uber at Grab, mas magiging maganda ang kompetensiya, at lalong magiging paborable sa commuting public dahil mas marami silang mapagpipilian.