NAKATATAWA naman talaga itong si House Speaker Pantaleon Alvarez. Halatang-halata ang pagkasipsip sa administrasyon matapos magsalita na irerekomenda niya kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na i-extend ang martial law sa Mindanao sa loob ng limang taon.
Maski ang pamunuan ng Armed Forces ay tila gustong mapailing sa tinuran nitong si Alvarez. Ayon sa spokesman ng AFP na si Brig. General Restituto Padilla masyado raw matagal ang nais ni Alvarez at hindi niya maunawaan kung anong naging basehan para sabihin niya na dapat ay tumagal pa ng limang taon ang martial law sa Mindanao.
Ano kaya ang naisip nitong si Alvarez? O nag-iisip ba talaga siya o baka naman gusto lang magpasikat kay Digong kaya kung ano-anong pambobola ang kanyang ginagawa.
Hindi ba naiisip nitong si Alvarez na palpak ang militar dahil hindi kayang sugpuin ang problemang kinakaharap ngayon ng Marawi at iba pang lugar kaya’t kinakailangan nang mahabang ‘proteksiyon’ sa pamamagitan ng martial law?
Hindi rin ba naiisip ni Alvarez na magiging malaking dagok sa ekonomiya ng Mindanao, kung saan siya mismo nagmula, ang mahabang implementasyon ng martial law?
Hindi ba niya naisip na pangit ang tingin ng mga investor, ng buong mundo, sa isang estado kung ang bansa nito o kahit ang bahagi lamang nito ay nasa ilalim ng martial law, dahil isa itong pagpapatunay na may malaking gulo o rebelyon na nagaganap?
Kaya sana naman mag-isip-isip itong si Alvarez sa kanyang mga binibitiwang salita dahil hindi niya alam na mas higit na nakasasama kaysa nakabubuti ang kanyang mga rekomendasyon.