PAANO nga ba natin mailalarawan ang kalupitan na nagawa ng mga suspek sa pagmasaker sa isang pamilya sa Bulacan na ikinasawi ng limang tao?
Nang umuwi ang security guard na si Dexter Carlos sa San Jose del Monte, Bulacan ay binalot siya ng hilakbot nang makita ang hubad at walang buhay na katawan ng asawang si Estrella sa labas ng kanilang tahanan.
Ang kanyang biyenan na si Aurora ay patay na at bahagya ring nahubaran ng kasuotan sa loob ng kanilang tahanan.
Lalo pang gumuho ang kanyang mundo nang matagpuang patay sa isang silid ang tatlong paslit na anak na sina Donny, 11 anyos; Ella, edad pito; at Dexter Jr., na isang taon gulang lamang.
Sumuko sa mga awtoridad ang construction worker na si Carmelino Ibañez at inamin na ginahasa niya ang dalawa sa limang tao na pinaslang nila ng mga kasabwat na sina alyas “Tony” at “Inggo.” Nasa impluwensiya raw sila ng droga at alak nang gawin ang krimen.
Kusa raw siyang sumuko dahil pinagsisisihan niya ang nagawang krimen at umaasang mapapatawad siya ng pamilya ng mga biktima.
Pero ang lalong nakakukulo ng dugo, ang pahayag ni Ibañez sa mga awtoridad na parang balewala ang kanilang nagawa: “Wala lang, parang trip-trip lang. Naisipan lang pasukin.” Naisipan lang din umano niyang gahasain sina Estrella at Aurora at biglaan lang ito.
Bagaman umamin ang suspek na nagdroga sila ng kanyang mga kasabwat ay nakagugulat na negatibo siya nang isailalim sa drug test.
Ang pananaw ni Public Attorneys Office (PAO) chief Attorney Persida Acosta ay hindi raw magagawa ng isang tao na pumatay ng isang taon gulang at manaksak nang 45 ulit kung hindi ito bangag sa droga.
Naniniwala ang Firing Line na kung hindi man nasa impluwensiya ng droga ang suspek ay may posibilidad na naburyong ito at may tama na sa utak dahil sa labis na paggamit ng shabu.
Magulo talaga ang isipan ni Ibañez dahil sa opisyal na pag-amin sa karumal-dumal na krimen ay itinanggi niya ang nagawang panghahalay.
Ang isang kasabwat na si alyas Tony ay nahuli na rin samantala ang pangatlong suspek ay pinaghahanap pa.
Hustisya ang inaapela ni Carlos kay President Duterte. Ang mga suspek sa pagmasaker sa kanyang pamilya ang una umanong dapat bitayin kapag naibalik ang parusang kamatayan.
Masahol pa sa hayup ang krimen na ginawa sa kanyang pamilya. Magagawa bang kuwestyonin ng sino man kung bakit hangad ni Carlos na maibalik ang death penalty?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LNE – Robert B. Roque, Jr.