KUNG hindi rin lang tutulong ang mga lokal na opisyal ng Valenzuela City, mas mabuti pa sigurong ang mismong taongbayan na ang kumilos para matapos na ang ginagawang paghahasik ng mabahong amoy ng pabrikang CDO.
Ang kompanyang CDO ay kilala sa pagmamanupaktura ng mga mga produktong tocino, hotdog, karne norte at iba pang canned goods. Ang pabrika ng CDO ay matatagpuan sa West Service Road, Barangay Paso de Blas, Valenzuela City. Makikita ang malaking gusali ng CDO sa tabi lang ng North Luzon Expressway, ma-lapit sa Malinta toll exit.
Kung hindi alam nitong si Vice Mayor Lorie Natividad Borja, ang pabrika ng CDO ang nagbubuga ng maitim at mabahong usok na kumakalat sa mga residente ng barangay Paso de Blas, Parada at karatig barangay sa nasabing lungsod.
Reklamo ng mga residente ang mala-poso negrong amoy na kanilang nalalanghap sa tuwing nagbubuga ng maitim na usok ang pabrika ng CDO. Pati ang mga estero o creek sa paligid nito ay nagkukulay kape na rin dahil sa maruruming kemikal na inilalabas ng pabrika.
Nakausap natin ang ilang tricycle driver na bumibiyahe sa barangay Paso de Blas at barangay Parada at kinokompirma nila na ang mabahong amoy ay galing nga sa pabrika ng CDO. Maraming residente na ang nagrereklamo dulot ng mabahong amoy pero hindi gumagawa ng aksiyon ang nasabing kompanya.
Sanhi rin ng mabigat na trapiko ang dulot ng pabrika ng CDO dahil walang disiplinang mga driver nito kapag lumalabas at pumapasok ang kanilang mga trak sa maliit na kalsada sa West Service Road.
Kaya nga, marami ang nagtatanong kung bakit hindi kumikilos si Borja sa problemang dulot ng CDO sa kabila ng maraming botante si-yang nasa paligid ng pabrika.
Mukhang may amnesia na rin si Borja matapos mahalal sa kanilang lungsod? Ngayong may malaking problemang kinakaharap ang constituents ni vice mayor kaya dapat lang sigurong kumilos siya para sa kapakanan ng mga Valenzuelaño, lalo pa’t wala na rin maaasahan sa alkaldeng si Rex Gatchalian na dedma kung dedma sa isyung ito.
Kung totoong lingkod bayan itong si Borja at sinasabi ngang may malasakit sa kanyang mga kababayan, dapat lang na tugunan niya ang problemang kinakaharap ng mga residente at kausapin ang pamunuan ng CDO.
Itigil na niya ang mga propaganda tulad ng mga nagkalat na tarpaulin na halos ang mukha niya ang nakabalandra sa kahit saang sulok ng Valenzuela City. Ano pa ang saysay nito kung hindi naman niya matutulungan ang kaniyang mga kababayan.
Hihintayin pa ba ni Vice mayor na mismong ang mga Valenzuelaño na ang kumilos at magsagawa ng kilos-protesta sa harap ng pabrika ng CDO? Walang sisisihin ang mga constituent kundi siya dahil ipinagpalit niya ang kanyang mga kababayan sa CDO.
At marahil maniningil ang kanyang mga kababayan pagdating ng eleksiyon.
SIPAT – Mat Vicencio